Sindikato

NABANGGIT ko na sa kolum na ito ang isang sindikato ng mga Indian nationals na umaarkila ng mga pulis para gawin ang mga krimen nilang pangingidnap at pangingikil ng mga mayayamang Indian nationals na nasa bansa. May mga okasyon na pinapatay na rin nila ang kanilang mga nabibiktima. Nasulat ko na halimbawa ito ng mga utak talangka, sa mas masamang lebel. Mga gustong yumaman sa kahirapan ng iba. Ngayon, may isang klaseng dayuhan naman na nagbibiktima sa mga Pilipino naman. At droga na ang pinag-uusapan!

Kailan lang ay may nahuling mga taga-Africa, na may mga dalang droga na itinago sa mga bitbit na bag nila. Nalaman na hindi sila talaga ang mga nagdadala ng mga droga, kundi mga Pilipinang sinisilaw nila ng pera para magpasok ng mga iligal na droga sa bansa. Inaalam nila kung sino ang mga hirap sa buhay, baka nililigawan pa. Kapag nakuha na ang loob, saka ipepresenta ang isang pamamaraan para kumita nang malaki. Dahil kapit sa patalim, tatanggapin ang alok. Pero nahuhuli at tuluyang masisira ang mga buhay!

Bakit ba tayo pinapasukan ng mga kriminal na sindikato mula sa mga ibang bansa ngayon? Dahil ba ang tingin sa karamihan ng mga Pilipino ay magagamit dahil matindi ang pangangailangan ng pera? Dahil ang tingin ba sa mga awtoridad dito ay mahihina at hindi naman sila mahuhuli? Mga Indian, Afrikano, sino ang susunod? Dumadami na rin ang mga Koreano rito. Sila na ba ang susunod na magpapasok ng mga sindikato rito?

Nagawa ng PDEA ang kanilang tungkulin laban sa iligal na droga. Nahuli nila ang mga papasok sanang droga na sisira nang maraming buhay. Nagagawa ba ng ibang ahensiya ng gobyerno ang mga tungkulin nila para protektahan ang mamamayan sa mga dayuhang sindikato na gustong gumawa ng masama? Huwag naman sana mangyari sa ilalim ni President Aquino lumaganap ang mga sindikato na iyan! Dapat sa ilalim ng kanyang administrasyon masugpo ang lahat na iyan! Pero mahirap kung ilang mga miyembro na ng PNP ang nagpapagamit sa mga sindikatong ito. Mahirap kung may mga galamay na sa mga hanay ng pulis, lalo na ang mga matataas na ranggo. Mahirap kung may mga nasilaw na pulis sa perang inaalok!

Show comments