Gen. Garcia plea deal matagal nang luto
MATAGAL na palang luto ang plea bargain ni Maj. Gen. Carlos Garcia at Ombudsman. In-in na ito, ika nga, nu’ng Disyembre 16 nang biglang iatras ni Garcia ang not-guilty plea sa plunder, at inako ang magagaan na kasong bribery at money laundering. Saad ito sa inilabas na case records ni Solicitor General Jose Anselmo Cadiz, na ngayo’y namamagitan para ipawalambisa ang plea deal at kaakibat na P60,000-bail ni Garcia.
Marso 16, 2010 pa pala nang mag-file ang Ombudsman at Garcia sa Sandiganbayan ng joint motion para aprubahan ang plea bargain. At Mayo 4, 2010 pa nang aprubahan ito ng Sandigan 2nd division nina Justices Edilberto Sandoval, Teresita Diaz-Baldoz, at Samuel Martires.
Nilihim ng Sandigan at Ombudsman sa publiko ang plea bargain. Nang matunugan ko ito, sinulat ko agad sa column ko sa Philippine STAR nu’ng Setyembre 13, 2010. Tapos, Setyembre 21, sinulatan ko sila para humingi ng kopya ng deal. Kapwa sila tumanggi dahil confidential umano ang deal, at lalabag sa sub judice rule kung ipahayag. Kataka-taka ang sagot nila; ipinalagay agad na kokomentaryuhan ko ang paksa. Public records ang mga kaganapan sa korte, kaya dapat ay transparent sila. Kung komentaryuhan ko, e di saka nila ako sitahin.
Batay sa dokumentong pasingaw ng Sandigan at Ombudsman, alam na ng Office of the Solicitor General ang plea bargain noon pang Nobyembre. Kaya nagtataka raw sila kung bakit inaangalan niya ito ngayon. Tugon ni
Cadiz na ang sinabihan nila ay ang Anti-Money Laundering Council na pinapayuhang legal ng OSG. At hindi direktang tungkol sa plea bargain ang pag-abiso, kundi ang magkapatong na freeze order ng AMLC at Sandigan 4th division sa mga ari-arian ni Garcia na ililipat sa gobyerno.
Nu’ng Disyembre 16, nang pormal na mag-plead guilty, humingi si Garcia ng bail para sa dalawang mas magaan na sala. At pinalaya nga siya, sa paglabag ng three-day-notice rule sa pagse-set ng hearings.
- Latest
- Trending