Dapat sampolan si BI officer Noel Cohoy
KADALASAN nasusukat ang pagkatao ng Pinoy pagdating sa pera. Likas kasi sa ating mga kababayan ang laging bukas palad sa pagdamay sa kapwa pagdating ng sakuna’t kalamidad maging sa mismong kababayan o sa mga banyaga. Kaya kung inaakala ng iba na maliit lamang ang kanilang nagawa aba’y napakalaki na para sa ating mga kababayan. At iyan ang napatunayan sa buhay ng Immigration Officer na si Armando Amisola. Si Amisola ay naka-assigned sa Immigration Desk ng Ninoy Aquino International Airport nang mangyari ang hindi niya inaasahan na nagsadlak sa kanya bilang bagong bayani ng bansa.
Kailangang-kailangan ni Amisola ang pera ng panahong iyon dahil sa kanyang ina na may stage 4 ovary cancer. Pero sa kabila ng pangangailangan ni Amisola ng pera, hindi niya nagawang angkinin ang US$10,000 na naiwan ni Patricio Francisco sa counter. Ang pera ay nakalagay sa brown envelope kasama ng iba pang dokumento ni Francisco na isang balikbayan mula sa Canada. Isinauli ni Amisola ang pera. Naging tapat siya sa kanyang sinumpaang tungkulin kahit na “kapit sa patalim” siya ng panahong iyon.
‘Yan ang tunay na Pinoy na dapat parisan ng lahat ng mga kawani ng pamahalaan. Halos himatayin si Francisco nang mapasakamay ang brown envelope na walang kabawas-bawas ni isang sentimo. Mismong si Amisola ang nag-abot kay Francisco. Ganoon na lamang ang pasalamat ni Francisco kay Amisola.
Sa ngayon, kabi-kabila ang mga papuri sa kanya hindi lamang sa kanyang Among si Commissioner Marcelino Libanan sa Bureau of Immigration kundi sa buong mundo. At lalo siyang hinangaan ni President Noynoy Aquino dahil naging matatag siya sa pagpanaw ng kanyang mahal na ina. Sa ngayon modelo na si Amisola sa airport at sa halos lahat ng mga ahensya. Bukambibig na ang kanyang pangalan ng mga kababayan natin.
Kung ang lahat sana ng taga-Immigration ay matutularan ang ginawa ni Amisola tiyak na dadagsa ang mga turista sa ating bansa. Magiging masigla ang ating turismo. Madalas kasi, na nasisira ang image ng bansa dahil sa mga ganid na opisyal at tauhan sa airport pa lamang.
Katulad na lamang ng sumbong ng mga banyagang tourist guide sa Caticlan Airpot sa Aklan. Mantakin n’yo abot langit ang reklamo ng mga tourist guide na Taiwanese at Korean national dahil sa sobrang tongpats ni BI officer Noel Cohoy. Naniningil si Cohoy ng P15,000 kada tourist guide ng mga Travel and Tour Agencies na kung tutuusin ay nagkakahalaga lamang ito ng P7,000 sa bawat 3 buwan permit.
Kaya hapi-hapi ang buhay ni Cohoy sa pamamalagi sa kanyang kaharian sa Boracay. Ang masakit pa nito may kasama pang for the boys na hirit si Cohoy sa mga dayuhan sa tuwing mapapaso ang mga permit . Halos bukambibig na siya sa sobrang kasibaan sa datung sa naturang ahensiya. At nitong Pasko humirit pa ito ng pamasko sa mga dayuhang guide at kailangan pang ihatid sa kanyang bahay sa Station-2 sa Boracay.
Calling President Aquino at Commissioner Libanan, pakiimbestigahan nga ninyo si Cohoy bago bumagsak ang tourism industry natin. Sayang naman ang programa ni Sec. Alberto Lim ng Department of Tourism kung may isang katulad ni Cohoy na nagsasamantala sa mga tourist guide. Malaki rin naman ang naiiaambag ng mga ito sa ating tourism industry kaya nais ng aking mga kausap na hagupitin ito sa madaling panahon. Abangan!
- Latest
- Trending