^

PSN Opinyon

'Kapitan Kidlat Dinakip!'

- Tony Calvento -

“Ngingisi-ngisi lang siya kapag nagkakasalubong ang aming landas. Parang nakakaloko. Siya na nga ang nakapatay siya pa ang malakas ang loob na magmayabang,” sumbong ng isang ginang.

Ganyan umano kung umasta itong kapitbahay ng isang ‘war­drobe custodian’ sa kapamilya network. Siya si Vilma Velez ng Botanical Garden Compound, Quezon City.

SUBALIT ng siya ay hinuli at ikinulong nawala na ang yabang nitong taong ito at nagmukhang isang ordinaryong criminal kapiling ang iba pa sa loob ng selda.

Noong Hunyo 2009 isinulat namin ang nangyari sa binatang anak ni Vilma na si Elesio “Jung” Velez Jr., 21-taong gulang.

Si Eliseo o Jung sa kanyang mga kaibigan at pamilya ay nakur­yente ng ito’y madikit umano sa bakod ng kapitbahay na nilagyan ng kuryente ang mga yerong nakapaligid sa bahay nila.

Inilapit sa amin ni kaibigang Julius Babao ng Channel 2 ang kaso ni Jung.

Itinuturo ang mag-asawang sina Jesus at Elena Toca ang may kasalanan dahil sa kanilang ‘criminal negligence’. Ilegal nilang nilagyan ng kuryente ang bakod ng kanilang bahay.

Sa isang pagbabalik tanaw, bandang ala-una ng madaling-araw… ika 24 ng Hulyo 2008, nangisay nalang itong si Jung matapos madikit sa bakuran ng mag-asawang Toca. Papunta sa tindahan nun si Jung upang bumili ng alak kasama ang pinsang si Roger Canaling alyas “Tuting”.

Matapos mag-inuman nila Jung nag­hiwalay na sila ng kanyang mga kasama. Dumaan siya sa tindahan upang bumili ng sigarilyo ayon sa kanyang pinsang si Tuting.

Lumabas ang isang testigo na si Mylene Atencio, kapitbahay nila Jesus. Ayon sa kanyang salaysay, “May narinig akong isang malakas na kalabog. Ang ginawa ko sumilip ako, nakita ko itong si Jung nadikit sa bubong na yero at nangingisay,”.

Mabilis niyang sinara ang pinto. Hindi siya makaalis sa kanyang kinatatayuan dahil nanigas siya sa kanyang nasaksihan. Nadinig niyang umuungol itong si Jung. Matapos matauhan si Mylene, lumabas siya’t humingi ng tulong. Nalaman naman ni Tuting ang nangyari sa kanyang kaibigan kaya mabilis niya itong ipinagbigay alam kay Vilma.

“Tumakbo ako palabas sa kalye madilim ng mga oras na iyon, hinanap ko ang aking anak nakita ko si Jesus na naka­tingkayad sa lupa may hawak na flashlight,” kwento ni Vilma.

Nakiusap si Vilma kung pwede niyang mahiram ang ‘flashlight’ upang madaling mahanap ang anak nito subalit hindi siya pinagbigyan ni Jesus.

Sa hindi kalayuan nakita niyang nakahandusay ang kanyang anak, walang malay. Nakaluhod ito at ang kanyang mga kamay ay nasa kanyang likod. Humingi siya ng tulong, dumating ang barangay at dinala si Jung sa East Avenue Medical Center. Patay na si Jung ng dalhin sa ospital. Lumabas sa Post Mortem Findings, death by electrocution.

Nagsampa ng kaso si Vilma ng ‘negligence resulting to homicide’ sa mag-asawang Jesus at Elena sa Prosecutor’s Office ng Quezon City base sa mga salaysay ng testigong si Mylene at ng kanyang manugang na si Lilibeth Velez, sinabi nilang may ‘personal knowledge’ sila sa kuryenteng nakakabit sa bakuran ng mag-asawa. Personal niya din nakita ang mga koneksyon ng mga ito.

Sa isang kontra-salaysay ng mag-asawang Toca sinabi nilang; “It is a common knowledge in our barangay that the victim is a thief and for the record of barangay blotters for the crimes of snatching and drugs were recorded against the victim.It is possible though to happen the victim while attempting as alleged by neighbors to get inside our house purposely to steal was stricken by lightning, as a consequence, he was electrocuted,” paliwanag ni Jesus.

Ayun, tinamaan daw ng kidlat itong si Jung!

Ang kaso ay nai-raffle at ang naatasan magsagawa ng preliminary investigation ay si Prosecutor Fabinda de Los Santos. Tumagal din ng anim na buwan ang preliminary investigation sa tanggapan ni Prosecutor de Los Santos.

Sa tulong ni City Prosecutor Claro Arellano ng Quezon City. Napabilis ang paglabas ng resolusyon ni Prosec de Los Santos .

Nung Oktubre 27, 2009 lumabas ang resolusyon. Nakasaad dito na binigyan niya ni Prosecutor de Los Santos ng mabigat na pansin ang testimonya ni Mylene kung saan detalyadong niyang nilahad na narinig niya at nakita niya si Jung na parang kinukuryente.

Ganun din ang testimonya ni Lilibeth na sinabing alam niya ang kuryenteng nakakabit sa mag-asawang Toca. Dinagdag pa ni pro­secutor ang tatlong testigong sina Marivic Cantem­prate, Wendre Refugio at John Mark Bantillo, ang kanilang karanasan ng sila’y madikit at mokuryente.

Sa pagtatapos ng resolusyon ni de Los Santos nakita umano ng isang testigo na tinatanggal ni Jesus ang kable ng kuryente sa kanilang bakod. Dahil sa lahat ng mga ito nakitaan ng ‘probable cause’ para ang reklamong ito ay maisampa sa korte. Sa ngayon ang reklamo sa mag-asawang Toca ay didinigin sa Branch 31 ng Regional Trial Court (RTC) Quezon City.

Nung Agosto na-dismiss ang kasong sinampa ni Vilma. “Dismissed without prejudice” matapos magkaroon ng problema si Vilma sa pagpasa ng information sa Prosecutor. Dahil dito tinulungan namin si Vilma mag-motion to re-file.

Halos nagsimula muli sa STEP ONE. Hindi ito naging balakid para hanapin ang mailap na hustisya.

Nagbunga naman ang lahat ng paghihirap, pagtitiyaga at pagtitiis ng nitong Disyembre nakitaan ng ‘probable cause’ ng investigating prosecutor para isampa ang kaso sa korte.

 Agad nailabas ang warrant of arrest laban kay Jesus Toca para sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.

Nang mapag-alaman namin ito nakipag ugnayan kami sa tanggapan ni Director Benhardi Mantele, district Director ng Quezon City Police Department.

 Sa tulong ni P/Ins. Rowena Lambojo at Arresting Officers na sina PO3 Rolly Salta at PO3 Buenvenido Sabro. Nitong ika-20 ng Disyembre nadakip si Jesus Toca mismo sa kanyang bahay sa harap ng kanyang mga kapitbahay na matagal na niyang pinagmamayabangan at naghaharian.

“Maraming salamat po sa lahat ng bumubuo ng Calvento Files sa wakas naranasan na rin ni Jesus ang makulong sa loob at humawak sa rehas na bakal,” huling sabi ni Vilma.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Vilma.

Sa puntong ito nais namin pasalamatan si Chief State Prosecutor Claro Arellano sa kanyang aksyon tungkol sa kasong ito. Ganun na rin kay Prosec. Fabinda de Los Santos sa kanyang patas at masusing pag-eevaluate ng mga argumento ng magkabilang panig. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landLine 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City, Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

JESUS

JUNG

KANYANG

LOS SANTOS

QUEZON CITY

SIYA

VILMA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with