NAMBOBOLA ang Ombudsman na mahina ang ebidensiya ng plunder laban kay Maj. Gen. Carlos Garcia? E sa bibig mismo ng misis niyang si Clarita bumulalas ang katibayan ng kanilang krimen. Ito’y nang pumunta siya sa US Immigration and Customs Enforcement nu’ng Hunyo 2004. Ipinasasauli niya sa ICE ang $100,000 smuggled cash na kinumpiska mula sa dalawang anak sa San Francisco airport nu’ng Disyembre 2003. Sa halip hiningan siya ng ICE ng katibayan ng pag-aari sa gan’un kalaking halaga. Sa sulat kamay, ibinida niya na mas malaki pa ru’n ang kinikita ng kanyang asawa bilang comptroller ng Armed Forces of the Philippines. Aniya:
• Bukod sa sahod, kumukumbra si General Garcia ng allowances pambiyahe at pag-aaral, at per diem bilang director o chairman ng iba’t-ibang institusyon sa AFP. Kapag sa abroad ang pag-aaral, sagot ng kung saang bansa lahat ng gastos, kaya naiimpok ang pasuweldo ng AFP.
• Meron pa. Bilang comptroller, miyembro si General Garcia ng Project Management Committee. Ang dayuhang nangongontrata, kapag nanalo, ang nagtutustos sa gastusin sa pag-inspeksiyon bago, habang, at pagkumpuni ng supplies sa abroad. Kasama si Clarita sa business class travels, first-class hotels, at shopping money na maaring gastusin para sa kahit ano. Bukod ito sa pabaon ng opisina.
• Sagot ng AFP ang suweldo ng lahat ng tsuper, security at cook nila sa bahay, bilang pabuya sa maselang posisyon ni General Garcia. Bukod pa ang pa-kotse at pagasolina.
• Meron silang orchard at resort. Miski malaki ang kita rito, maari umano sa batas ng Pilipinas na ideklara sa unang dalawang taon na walang kinita kaya walang babayarang buwis sa mga ito.
• Dahil US citizen, ani Clarita na kino-convert niya agad sa dollars lahat ng kinikita at naiipon nila, at saka ito dinedeposito sa America. Huli sila!