NAKAKAAWA si Lauro Vizconde. Noong Martes, makaraang malaman na napawalang-sala ang mga akusado sa pagpatay sa kanyang mag-iina, nasabi niyang naranasan uli ang ikalawang masaker sa kanyang buhay. Hanggang kailan daw siya magdurusa sa nangyayaring ito. Nakapagsalita rin siya na talaga palang nagagapang ang mga hukom. Hindi na rin siya naniniwala sa sistema ng hustisya. Masamang-masama ang kanyang loob sa nangyaring pagkakapalaya kina Hubert Webb, Antonio Lejano II, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Peter Estrada at Hospicio “Pyke” Fernandez.
Hindi masisisi si Lauro nang hamunin niya ang pitong hukom ng Korte Suprema na nag-acquit kina Hubert. Kung hindi raw sina Hubert et. al ang may kagagawan ay sino ang pumatay o mga pumatay? Kung naniniwala raw ang pitong hukom na malinis ang konsensiya ng anim na akusado, tulungan siyang hanapin ang mga tunay na pumatay. Tulungan siyang makamit ang hustisya sa nangyari sa kanyang pamilya. Pinatay ang mag-iina ni Lauro na sina Estrellita, Carmela at Jennifer noong gabi ng Hunyo 30, 1991. Bago pinatay ay ginahasa muna ang kanyang anak na si Carmela.
Pinal na ang desisyon ng Supreme Court na ang ibig sabihin ay wala nang maaari pang maghabol. Kaya nga marahil nasabi ni Lauro na kanino pa siya hihingi ng tulong para makamit ang katarungan para sa kanyang minasaker na pamilya. Sarado na ang Kataas-taasang Hukuman sa anumang apela.
Malaki ang papel ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy ang mga tunay na killers. Dalawa pa sa suspek — sina Joey Filart at Dong Ventura ang hindi pa nahuhuli. Sabi ng SC hindi kasama ang dalawa sa acquittal sapagkat walang proceedings na isinampa sa kanila.
Hanapin ng PNP at NBI ang dalawa at baka ang mga ito ang maging susi sa kontrobersiyal na kaso. Baka ang dalawa ang magtuturo sa mga tunay na kriminal. Malaking kasiyahan at kapanatagan para kay Lauro kung maipagkakaloob sa kanya ang inaasam na hustisya. Nararapat pakilusin ng mga awtoridad ang kanilang galamay para madakma ang mga killer.