^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mga laruan na may phthalates

-

KUNG anu-ano ang bumabaha sa Pilipinas kapag panahon ng Pasko --- karneng “botcha”, Christmas lights na madaling masunog, expired na kendi at itong huli, mga laruang may phthalates. Dahil ang Pasko ay para sa mga bata, sila ang target ng mga ne­gosyante. Napakaraming laruan sa mga pamilihan ngayong panahong ito --- mga laruang gawa sa plastic o PVC (polyvinyl chloride). Subukang mamili sa Divisoria, Carriedo, Baclaran, Monumento, Cubao at iba pang lugar at makikita maski sa bangketa napakara-ming tindang laruan na maaakit ang mga bata kapag nakita. Tutulo ang kanilang laway at kukublitin agad ang ina o ama para siya ibili. Si ama o si ina naman ay agad ibibili si anak kahit na hindi pa nasusuri ang laruan. Hindi alam ng ama o ina na ang laruang gawa sa PVC ay mayroong phthalates.

Kawawa ang mga bata sapagkat sila ang magdadala ng sakit na makukuha sa laruang PVC o plastic. Walang ibang magiging biktima ng harmful chemicals na nasa laruan kundi ang mga walang malay na bata. Paalala sa mga magulang na huwag agad bumili ng mga laruang plastic kahit pa magmaktol ang inyong mga anak. Hindi biro ang idudulot ng chemical na phthalates.

Sinabi ng EcoWaste Coalition, isang laboratory test ang kanilang kinomisyon at natuklasan na ang mga laruang gawa sa PVC ay mayroong phthalates. Ang phthalates ayon sa EcoWaste ay nagdudulot ng masamang epekto sa mga bata. Maaaring maapek­tuhan ang kanilang atay, kidney, immune system at magkaroon ng reproductive abnormalities. Nananawagan ang EcoWaste sa pamahalaan na itigil ang produksiyon at pagbebenta ng mga laruang may delikadong chemical. Nananawagan din sila sa Food and Drugs Administration na magpalabas ng patakaran ukol sa mga laruang PVC na hinahaluan ng phthalates. Ang phthalates ay inihahalo umano sa PVC para lumambot at maging flexible ang laruan.

Wala nang kontrol ang pagpasok ng mga kung anu-anong produkto sa bansa at nagdudulot pa ng masama sa kalusugan ng mamamayan. Dapat maghigpit sa pagpasok ng mga laruan na kadalasang galing sa China at Taiwan. Hindi dumadaan sa pagsusuri ng mga ito sapagkat smuggled. Kapag nakalusot sa Customs, deretso na sa pamilihan at tiyak ang kalusugan ng mga bata ang apektado. Huwag hayaang mangyari ang ganito.

BACLARAN

BATA

CARRIEDO

CUBAO

DRUGS ADMINISTRATION

LARUANG

NANANAWAGAN

PASKO

PHTHALATES

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with