'Buntis ako at madalas uminom ng kape'

Dear Dr. Elicaño, Merry Christmas po. Tanong ko lang po kung masama ba sa katulad kong pregnant ang uminom ng kape. Kasi po, madalas akong uminom ng kape. Halos anim na tasa ang naiinom ko sa maghapon. May epekto ba ito sa aking baby. Ako ay 25 taong gulang at happily married. — Liza M. Manrique, M. de la Fuente St. Sampaloc, Manila

Merry Christmas din sa’yo.

Ipinapayo ng mga doctor na hindi dapat lalampas sa anim na tasa ng kape ang iinumin sa isang araw. Sa katulad mong buntis, dapat ay isang tasa lang ng kape (kung ground coffee) at dalawang tasa naman kung instant coffee.

Mayroong caffeine ang kape at ito ay naaabsorb ng fetus kaya nararapat na limitahan ang pag-inom ng kape. Ipinapayo rin sa mga nagpapasuso (breastfeed) na limitahan ang pag-inom ng kape.

Ipinapayo rin naman sa mga babaing wala pang anak na bawasan din ang sobrang pag-inom ng kape sapagkat batay sa isang pag-aaral, ang heavy caffeine consumption ay nagiging dahilan para mahirapang magdalantao. Dahil din ang kape ay isang deuretic, nagdadagdag ito ng rate of excretion ng calcium na nagiging dahilan para magkaroon ng osteoporosis. Ang osteoporosis ay ang paghina o paglutong ng buto.

Ang isang magandang katangian ng kape, dahil may mataas itong caffeine, ay nakatutulong na mag-enhance ng mental performance. Pinasisigla ang isip. Bukod dito, nakatutulong din sa pagtunaw ng pagkain ang pag-inom ng kape.

Show comments