Kasalanan ng 'kuliglig'

NAGPUPUKULAN ng reklamo ang Manila Police District (MPD) Manila City Hall Officials at ang nagprotestang “kuliglig’ draybers dahil sa madugong dispersal noong Miyerkules. Kung naging malamig lamang ang ulo ng bawat kampo hindi sana nagkagulo. Pero, para sa akin nagkamali ang mga nagsipag-protestang drayber matapos harangan ang north bound lane ng P. Burgos Avenue, sa Ermita, Manila, sa harap mismo ng Manila City Hall kaya nagka hitot-hitot ang trapiko. Ipinakita nila sa sambayanan na mga arogante nga sila sa kalsada.

Dahil hinarangan ang kalsada, ang mga sasakyang patungo sa Quiapo, Sta Cruz at Divisoria ay hindi makadaan. May ilang oras ding sinubukan ng MPD at ng City Hall Official ang mga ito subalit bingi ang mga dayber ng “kuliglig” hanggang sa dumating ang sukdulan ng pagtitimpi ng kapulisan. Gumamit ng dalawang fire truck ang mga pulis upang itaboy ang mga ito subalit gumanti ang mga protesters at nambato ng bote.

Nasapol sa ulo si PO2 Octavio Avila na ngayon ay nasa Manila Doctors Hospital. Hanggang ngayon ay under observation sa naturang hospital. May ilan naman sa mga kasamahan namin sa media ang nasugatan sa naturang pamamato dahil wala nang direksiyon ang batuhan. Ngunit ganyan talaga ang aming trabaho, laging nakataya ang buhay upang idokumento ang pangyayari upang ihatid sa madlang people. Naranasan ng mga nagsiprotestang drayber ang galit ng mga pulis. Walang sinanto kahit na babae. Kinaladkad ang 16 na nagprotestang drayber sa MPD headquarters upang sampahan ng kaso.

Ngayon ay naramdaman na ng mga nagprotesta ang kanilang pagkakamali dahil sa laki ng kanilang piyansa tiyak na mabubulok sila sa kulungan. Bakit naman humantong sa madugo ang pagprotesta ng mga drayber? Dahil magugutom sila at kanilang pamilya kung hindi papayagang makapamasada. Ngunit hindi ito ang tamang paraan upang makuha ang simpatiya ng madlang people, may batas tayo na dapat sundin. Paano kung ang lahat ng ating ipinaglalaban ay dadaanin sa dahas, makasisiguro ba tayo na magiging mapayapa ang ating lipunan. Kung isinagawa lamang siguro ng mga “kuliglig” drivers ang pagpoprotesta sa Bonifacio Shrine at hinayaang makadaloy ang trapiko tiyak na walang kaguluhang naganap. Baka nakuha pa nila ang simpatiya ni Mayor Lim na mabigyan sila ng kaunting konsiderasyon na makahanapbuhay.

Show comments