NAPAKAHIRAP maglibing ng anak. Mas mahirap panoorin paano pinapatay ang iyong anak at wala ka man lang magawa para matulungan siya.
Ito ang karanasan ng isang 80-anyos na lalaki na nagpunta sa aming tanggapan upang ikwento ang nangyari.
Hunyo taong kasalukuyan, itinampok ko sa aking kolum ang paghingi ng hustisya ng isang ginang mula sa Cabiao, Nueva Ecija na si Evangeline “Vangie” Sigua.
Ika-1 ng Hulyo 2009 ng patayin ang asawa niyang si Federico o “Pedy” sa Barangay Pulili sa tapat ng bahay ng ama nitong si Gregorio o ‘Gorio’.
Pagbabakod ng lupain ni Gorio ang tinuturong ugat sa pagpatay nitong si Orlando Bautista alyas ‘Boy Openg’, kay Pedy.
Si Boy Openg ang kanilang kapitbahay na nakabili ng lupa ni Gorio. Naabutan na lang ni Pedy si Boy na nilalagyan ng kawayan at alambre ang lupaing pag-aari ng kanyang ama.
Gitnang-gitna ang daanan nila Gorio sa dalawang lupang nabili ni Boy. Ang gusto ni Boy pagdikitin ang kanyang mga lupa at kapag nangyari yun masasakop ang dinaraanan nila Gorio at masasarahan sila.
Sa halip na si Gorio ang makipagtalo kay Boy, si Pedy na ang nakipag-usap. Hindi nadaan sa maayos na usapan itong si Boy kaya’t nagkasagutan sila.
Ipinakita ni Pedy ang kasulatan kay Boy subalit hindi pa rin natinag itong si Boy at sinabi umanong, “Hindi ko kikilalanin yang kasunduang ‘yan. Kukunin ko ang lupa kahit anung mangyari!”.
Hinamon ni Boy na dalhin sa barangay ang pinagtatalunan nila. Umuwi si Pedy para mananghalian. Matapos nito, bumalik siya sa trabaho.
Lulan ng kanyang motor habang papunta sa ‘construction site’ muling nadaanan ni Pedy ang bahay ng kanyang ama. Dito na hinarang siya nila Boy at ng apat pang hindi kilalang lalaki.
Tinutukan si Pedy ng baril ni Boy at mga armadong lalaki. Tinutok ang baril sa kanyang ulo at binaril siya mabilis na tinaas ni Pedy sa kanyang kamay kaya’t ito ang tinamaan.
Alam niyang wala siyang laban dahil may baril si Boy. Nanakbo si Pedy.
Hindi pa siya nakakalayo pinutukan pa siyang muli. Tinamaan siya ng bala sa dibdib at tumilapon bumagsak siya sa lupa.
Dito na nakita ng ama ang anak na nakabulagta sa lupa. Nasaksihan niya ng lapitan ni Boy ang kanyang anak at barilin. Sa takot ni Gorio nagtago siya at hindi na niya tinangkang tulungan pa ang kanyang anak. Nagtago si Gorio sa likod ng isang puno.
Isinugod si Pedy sa ospital. Pagdating dun idineklara siya ng mga doktor na dead-on-arrival. Namatay si Pedy dahil sa tama ng bala sa dibdib, sa mukha at tumagos ito sa kanyang ulo.
Nag-report sila Vangie sa Cabiao PNP, matapos silang kuhanan ng statement sinampa sa Prosecutor’s Office ng Cabanatuan ang kasong MURDER.
Nagkaroon ng pagdinig sa kaso subalit hindi nagpakita si Boy tanging ang abugado lang nitong si Atty. Beniles ang sumisipot.
Ika-28 ng Setyembre 2009, ng mailabas ang resolusyon pirmado ni Assistant Prov. Prosec Julius Ceasar Mustard na inaprubahan naman ni Prov. Prosec. Floro Florendo.
Nakitaan ng ‘probable cause’ o batayan ang pagsampa ng kriming murder laban kay Bautista at dapat iakyat ang kaso sa korte para sa isang paglilitis.
Sa isang magkaugnay na pangyayari sinampahan ng kasong perjury ni Boy si Gorio dahil mariing niyang pinabubulaanan ang mga pahayag nito. Hindi raw siya ang bumaril at pumatay kay Pedy. Wala raw siya dun.
Nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap si Prov. Prosec. Floro Florendo, tahasang sinabi nito na ang information para sa kasong murder ay naisampa na sa korte at nabanggit nito na ang hablang perjury ni Boy laban kay Gorio ay ‘premature’.
“Ang dapat mapawalang sala muna siya sa korte at mapatunayang nagsinungaling itong si Gregorio Sigua. Pagkatapos maari na niyang sampahan ng kasong perjury,” wika ni Prov. Prosec Florendo.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Vangie.
Nung nakaraang linggo nagbalik sa amin si Vangie kasama ang anak na panganay na si Catherine lubos ang kanilang pasasalamat dahil nailabas na ang Alias Warrant of Arrest kay Orlando ‘Boy Openg’ Bautista nitong Agosto.
“Kung saan-saan kami lumapit para matulungan kami sa kaso pero ng dumulog kami sa inyong tanggapan buwan lang ang inantay namin nailabas na ang warrant,” wika ni Vangie.
Bilang lubusang tulong inirefer namin si Vangie sa tanggapan ni Director Magtanggol Gatdula ng National Bureau of Investigation (NBI) upang matulungan sila sa paghuli dito kay Boy Openg.
Kami ay nanawagan, sa sino man nakakaalam sa kinaroroonan nitong si Orlando Bautista alyas ‘Boy Openg’ maari lang ay makipag-ugnayan kayo sa aming tanggapan sa aming mga numero. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com