Ritwal ng Cherokee, bersiyon ng Pilipino
NAPANOOD niyo ba ang pelikulang 300? Merong eksena roon na tumira nang winter ang nagbibinatang Prinsipe Leonidas sa kuweba, kung saan nakasagupa niya ang mabangis na lobo. Sa susunod na eksena, hindi na siya nanginginig sa ginaw: Suot-suot na niya ang fur ng hayop.
Katulad ng sa Spartans ang rite of passage ng batang Cherokee Indian sa pagka-lalaki. Dadalhin siya ng ama sa gubat, iuupo sa tuod, pipiringan ang mata, at iiwanan mag-isa. Dapat manatili siyang nakaupo buong magdamag, gising, at nakapiring hanggang masilayan ng araw sa umaga. Maririnig niya —nakakabingi —ang katahimikan, o kaluskos sa dahunan, o angil ng mabangis na hayop, lahat nagbabadya ng panganib. Mayayanig ng ingay ang kanyang mabuway na inuupuan.
Walang mahihingian ang binatilyo ng saklolo. Kapag nalusutan niya ang pagsubok, lubos na lalaki na siya. Bawal ikuwento sa ibang binatilyo ang dinaanang pagsubok. Kasi meron itong sekreto. Pagtanggal ng bagong lalaki ng piring sa umaga, mababatid niyang nandoon pala’t nagbabantay ang ama upang wala siyang sapiting kapahamakan. Umano’y tumatatag ang tiwala ng ama’t anak na Cherokee sa isa’t isa.
Sa mga Pilipino, dalawa ang laganap na rite of passage sa pagka-lalaki. Una, ang tuli, masakit pero kailangan sa kalinisan at relihiyon, kaya idinadaos nang maramihang binatilyo kung bakasyon sa eskuwela. Ikalawa, ang unang tagay ng alak ng ama sa anak, dapat ubusin sa isang lagok.
Sa ikalawa, naalala ko ang liham ng isang binata sa kanyang ama:
Beer dad,
Gin na ako iinom ulit, Whisky kelan. Tanduay mo yan, tiTequilan ko na talaga, pRhumis po!
Your San,
Miguel
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending