2nd Round Knock-Out
Ngayong pinabagsak na rin si Margarito, ang tanong ng bansa ay sino nang kasunod? Si Mayweather, Mosley o Marquez? Sagot ni Manny: None of the Above. Dahil ang piniling katunggali ni Pacquiao the Congressman ay hindi boksingero. Puntirya niya ngayon ay mismong ang Pangulo ng Pilipinas.
Hangad ng bawat mamamayan ang marangal na paglilingkod mula sa kanilang mga opisyal. Ang isang larangan kung saan nasaksihan ang kakulangan ng karangalan ay ang sapilitang pagtalaga sa puwesto ng mga opisyal na hindi makapasa-pasa sa Commission on Appointments (CA).
Hindi man sila hayagang ma-reject, hindi rin naman sila mabigyan ng kumpirmasyon kaya ang nangyayari ay natatapos ang sesyon ng Kongreso nang hindi naaaksyunan ang kanilang appointment. Ang resulta, by-pass o nakapending lang ang kanilang status. Sa tutoo lang, isa itong magalang na paraan ng pagtanggi – sinumang Pangulo o nominado na may kahihiyan ang kusa na dapat umatras matapos ma-bypass. Subalit hindi ganun ang mga tulad nina Hilario Davide, Angelo Reyes, Raul Gonzales etc. at, siempre, ni Gloria Arroyo. Kahit pa aabot na dalawampung beses ang pag-bypass sa kanila, patuloy pa rin silang ipinipilit at pumapayag na magpapilit.
Ayaw ni Manny ng ganun. Kaya nag-file ito ng panukalang tapyasan ang kapangyarihan ng Pangulo ng magnomina kapag dalawang beses nang hindi inaksyunan ng CA. Sa bersyon ni Pacquiao, Knock-out na sila kahit gaano man kakapal ng mukha at sinumang magpumilit tulad nina Davide and Co. ay hindi rin babayaran ng sahod.
Magaling talaga itong si Manny at ubod din ng tapang. Eh bakit naman hindi? Gaya ng nasabi ni Senadora Miriam: lightweight ang mga gabinete. Problema ba yan sa taong superwelterweight champion of the world? At isa pa, mismong si PNoy ang sumuporta sa ideyang ito nung siya’y Senador pa!
Magiging kritikal ang panukala at ideya ni Cong. Pacquiao sa mga darating na CA confirmation hearing kung saan inaasahang gigisahin ng husto ang mga pumapalpak sa pwesto. Malaki ang posibilidad na ma-bypass kung hindi man hayagang ma-reject ang marami sa mga ito. Sana’y maipatupad ng Pangulo ang paniwala niya bilang bahagi ng daang matuwid. Daang matuwid sa isip, salita … at sa gawa. Huwag sanang malimutan na ang pagiging mahusay na Pangulo ay mahigit sa pagiging mahusay na kaibigan. Dapat ay nalalampasan ang interes ng pagkakaibigan at makapagdesisyon batay sa kung ano ang mabuti para sa lahat.
Cong. Emmanuel D. Pacquiao
Grade: Champion of good governance
- Latest
- Trending