Editoryal - 'Kamay na bakal' sa mga bus operator
PERWISYO ang ginawa ng mga bus operator noong Lunes. Kinawawa ang mga pasaherong nagbibigay sa kanila ng hanapbuhay. Maski si President Aquno ay nakadama ng pagkadismaya at inis sa ginawang pagwewelga ng mga bus. Halos nasa gitna na ng kalsada ang mga tao dahil sa pag-aabang ng masasakyang bus. Pero wala silang nasakyan. Wala talagang masasakyan sapagkat ang mga bus ay nasa kanya-kanyang garahe. Halatang pinlano ang pagwewelga.
Ang pinerwisyo nila ay ang mismong mga pasahero na nagbibigay sa kanila ng hanapbuhay. Kung wala ang mga pasahero walang hanapbuhay ang mga drayber at konduktor. Kaya ang ginawang pagwewelga noong Lunes ay nararapat na magkaroon din ng katapat na kaparusahan. Tanggalan ng prankisa ang mga nagwelgang bus at suwetuhin ang mga sutil na operator. Tama na ang ginagawa nilang pag-abuso. Sobra ang ginawa nilang perwisyo sa mamamayan.
Nagwelga ang mga bus (bagamat itinatanggi ni Claire de la Fuente, presidente ng IMBOA) dahil sa ipatutupad na color coding scheme sa mga bus. Ayaw ng mga bus operator na mag-coding ang mga bus. Pero walang nagawa ang mga sutil na operator dahil kahapon ay itinuloy ang coding. Marami rin ang nahuling bus dahil sa paglabag sa coding.
Ipinakita na ni Noynoy ang pagkainis sa mga bus operator kaya dapat lang na ituluy-tuloy ang kampanya. Maaaring ang coding sa mga bus ang susi para mabawasan ang trapik. Ito rin marahil ang paraan para mawalis sa kalsada ang mga “killer bus”.
Ipagpatuloy ng MMDA ang nasimulan. Ipatupad nang maayos ang color coding. Ituloy naman ang pagkastigo at pagsasampa ng kaso sa mga matitigas ang ulong bus operators.
- Latest
- Trending