Payo ng pulisya sa motorista, mali
TUNGKULIN ng PNP Highway Patrol Group na ikubli ang motorista sa highway robbers. Sa gay’ung misyon, dapat pinapatrolya ng unit ni Chief Supt. Leonardo Espina ang national roads at tinutugis ang mga sindikato doon.
Pero pabaya ang asal ni Espina sa malimit na pagtira ng Bundol Gang sa C-5 Road, Metro Manila. Modus operandi ng gang na bundulin sa likod ang sasakyan ng biktima, at sa paghinto nito ay nanakawan ng pera, alahas, cell phone, laptop at kotse. Nang tanungin si Espina kung ano ang dapat gawin para hindi mabiktima, aniya huwag huminto kapag binundol nang matulin. Kung high-speed umano ang pagbundol — 60-80 kph — tiyak na may masamang balak ang bumundol, kaya tumungo sa mataong lugar at doon mag-report sa pulis.
Para na ring sinabi ni Espina sa motorista na bahala na sila sa sarili. Hindi lang ‘yon, tinuturuan pa niya sila na suwayin ang batas at alituntunin sa wastong pagmamaneho.
Dapat kapag nabundol ay huminto ang motorista, para alamin kung merong nasaktan at ano ang pinsala sa kabilang sasakyan. Hindi naman agad masasabi na ang kabilang sasakyan palagi ang maysala. At hindi rin puwedeng basta sabihin ng motorista na akala niya’y kriminal ang nasa kabilang sasakyan, kaya kumaripas siya. Kung gan’un ang ikakatuwiran ng lahat, magiging puro hit-and-run ang banggaan sa highway.
Sa halip na magpayo ng mali, mag-dispatsa sana si Espina ng mga patrolya sa C-5, para malipol ang Bundol Gang. At huwag niya sana paasahin sa wala ang motorista. Aniya mag-report sa pulis pagdating sa mataong lugar. Bakit, reresponde ba ang pulis doon? E kung sa liblib na lugar na dapat patrolyahin ay wala sila, e sa mataong lugar pa kaya?
Ang hirap sa pulis, hindi na nga tinutupad ang misyon, ginugulo pa ang sitwasyon. Tumabi-tabi na lang sana ang mga walang silbi.
- Latest
- Trending