Editoryal - Pagtrabahuhin ang mga pulis
AYON sa pag-aaral, mas maraming krimen daw ang nagaganap kung “ber” months. Sa mga panahong ito kasi ibinibigay ang Christmas bonus at 13th month pay. Pero para sa aming pananaw, kahit hindi “ber”months ay palaging nakaabang ang mga kawatan para mambiktima. Hindi sila natutulog at lalong malakas ang kanilang loob sapagkat walang nakikitang pulis na nagpapatrulya sa kalsada.
Mas tama sigurong sabihin, na doble o triple ang pagsasamantala ng mga masasamang-loob kung “ber” months. Namamayagpag sila nang todo sa panahong ito sapagkat alam nilang maraming pera ang mga tao.
Aktibo sila sa paggawa ng kasamaan. Kamaka-lawa lamang isang convenient store sa Sta. Cruz, Manila ang hinoldap. Kasunod niyon, isang jewelry shop at isang auto supply store ang sabay na ninanakawan. Ang mga holdaper ay nakasakay sa motorsiklo. Riding-in-tandem. Armado. Hindi pa kasama rito ang ginagawang pagholdap sa mga taxi driver at ang pangangarnap. Patuloy din naman ang pangho-holdap sa mga pasahero ng jeepney at bus. Walang tigil ang pananamantala ng mga mandurukot, “laglag-barya” at iba pang masasamang-tao sa lipunan.
Wala nang kinatatakutan ang mga taong ito na kahit sa kaliwanagan ng sikat ng araw ay sumasalakay. At sa aming palagay kaya malakas ang loob ng mga kawatan at kriminal ay sapagkat wala namang pulis na nakabantay. Alam ng mga kawatan na bago pa makarating ang mga pulis ay malayo na sila tangay ang pera, alahas, cell phone at iba pang gamit ng biktima. Malaya silang makapambibiktima dahil walang pulis.
Police visibility ang mahalaga ngayong panahon na ito na ang mamamayan ay dagsa sa mga tiyangge at iba pang pamilihan. Pagtrabahuhin ang mga pulis. Kapag may mga nakaunipormeng pulis at nagpapatrulya sa isang lugar, nakadarama ng kapanatagan ang mamamayan. Nawawala ang takot na maaaring salakayin sila nang masasamang-loob. Magdadalawang-isip ang kawatan para isagawa ang kanilang kabuktutan.
Gawing 24/7 ang pagpapatrol ng mga pulis para mabantayan ang mamamayan.
- Latest
- Trending