Ang bagal ng desisyon
Ang lahat ng kaso sa Korte Suprema ay dapat maresolba sa loob ng dalawampu’t apat na buwan habang ang nasa tinatawag na “lower collegiate courts” naman ay labing-dalawang buwan. Ang lahat naman ng nasa mababang hukuman ay dapat madesisyunan sa loob ng tatlong buwan maliban at bawasan pa ito ng Korte Suprema. Ito ang nakasaad sa Saligang Batas (Article VIII, Section 15). Ito ang batas na nilabag ng isang Justice ng Court of Appeals, tawagin na lang natin siya na Justice AM.
Miyembro si Justice AM ng ika-siyam na dibisyon ng Court of Appeals kung saan isang petisyon (petition for review) upang mapag-aralan ang desisyon ng RTC (regional trial court) ng Makati ang isinampa. Ang kaso ay tungkol sa paghingi ng danyos ng isang abogado, si RMG, laban sa isang country club, ang ACCI na hindi pumayag na maging kandidato siya at bagkus ay pinatalsik pa siya bilang miyembro.
Ang desisyon ng korte ng Makati ay pabor kay RMG at ipinababalik siya bilang miyembro ng ACCI.Sa petisyon na isinampa sa CA, humingi ng TRO (temporary restraining order) at preliminary injunction ang ACCI. Pinagbigyan ng CA ang TRO at nang mapaso ito, nagbigay naman ng preliminary injunction. Si Justice AM ang sumulat bilang ponente. Noong Setyembre 8, 2005, kinuwestiyon ni RMG ang desisyon sa Korte Suprema sa pamamagitan ng isang petisyon (petition for certiorari). Noong Setyembre 28, 2005, nagsumite din ng isang mosyon (motion for inhibition) si RMG laban kay Justice AM na ayon sa kanya ay nagpatupad ng writ na labag sa batas.
Kahit nagdesisyon ang Korte Suprema sa petisyon ni RMG at binasura ito noong Abril 11, 2007 dahil sa walang katibayan na inabuso ng CA ang kapangyarihan nito, hindi pa rin kumilos si Justice AM sa mosyon na inihain ni RMG. Kaya’t noong Agosto 20, 2008, nagsampa ng kasong administratibo si RMG laban kay Justice AM dahil sa tagal nito sa pagreresolba sa mosyon. Inulit din niya ang mosyon na bitawan ni Justice AM ang paghawak sa kaso.
Noong Oktubre 8, 2008, sa wakas ay kumilos din si Justice AM sa mosyon at kusa niyang binitawan ang paghawak sa kaso. Kasunod nito, nagsumite siya ng sagot o comment sa kasong administratibo na isinampa sa kanya ni RMG. Ayon sa kanya, pinili niya na huwag kumilos sa mosyon ni RMG at hintayin na lang ang kahihinatnan ng kasong isinampa nito sa Korte Suprema. Tama ba si Justice AM sa ginawa niyang pagpapatagal sa resolusyon ng mosyon ni RMG?
MALI. Hindi dapat mahinto ang pag-usad ng kaso kahit pa may isinampang petition for certiorari ma-liban at humingi ng TRO o preliminary injunction laban sa CA upang ihinto ang pagdinig sa kaso. Ito ay ayon sa Sec. 7, Rule 65 ng Rules of Court. Dapat na mahigpit itong ipatupad ng mga korte sa bansa maging mababang hukuman man o kung saan nakabinbin ang apela at kahit pa may posibilidad na mabalewala ang petisyong nakabinbin sa Korte Suprema.
Kahit tanggapin pa ang paliwanag ni Justice AM sa mabagal na pag-usad ng kaso, nagkaroon na ang Korte Suprema ng desisyon noong pang Abril 11, 2007. Naging napakatagal pa rin ni Justice AM sa pagresolba sa mosyon noong Oktubre 8, 2008 matapos ilipat ng Korte Suprema sa Court of Appeals ang pagdedesisyon sa kasong administratibo niya at matapos ulitin ni RMG ang mosyon upang bitawan niya ang paghawak sa kaso. Sa pagresolba sa mosyon, lumagpas pa rin si Justice AM sa labindalawang buwan na palugit na itinakda ng ating Saligang Batas.
Dahil sa mga sirkumstansiyang nabanggit, dapat na pagmultahin si Justice AM ng P15,000 bilang parusa alinsunod sa batas - Sec. 11 (b) in relation to Section 9 (1) Rule 14 Rules of Court (Gonzales vs. Tolentino, A. M. No. CA-10-49-J, January 28, 2010, 611 SCRA 179).
- Latest
- Trending