Pananampalataya dinaan sa baraha
DI-KARANIWANG tahimik sa umagang iyon ng Linggo sa isang bansa sa Middle East. Walang putukan ng baril o pagsabog ng bomba. Nilabas ng binatang sundalo ang mga baraha at nilatag sa kama. Siya namang pagpasok ng sarhento, na nagtanong kung bakit di siya sumama sa platoon na nagkakasayahan.
“Nagpaiwan po ako para magmuni-muni tungkol sa Panginoon,” sagot ng sundalo.
“Ow, maglalaro ka lang yata ng baraha, e.” binalikan siya ni Sarge.
“Hindi po, sir. Bawal kasi tayo magdala ng Bibliya at ibang librong Kristiyano dito, kaya kakausapin ko ang Diyos sa paraan ng baraha.”
“Paano?” di-makapaniwalang tanong ng sarhento sa sundalo.
“Kita mo itong Ace, Sarge? Ito ang nagpapaalala sa akin na iisa ang Diyos. Ang Dos ay dalawang parte ng Bibliya -- ang Old at New Testaments. Ang Tres ay Holy Trinity: Diyos Ama, Diyos Anak, Diyos Espirito Santo. Ang Kuwatro ay apat na gospel nina Mateo, Marco, Lucas at Juan. Ang Singko ay para sa limang birhen; sampu sila, pero lima lang ang pinapurihan. Ang Seis ay ang anim na araw ng paglikha ng Diyos sa mundo. Ang Siyete ay ang araw na nagpahinga Siya matapos maglikha. Ang Otso ay tungkol sa pamilya ni Noah, asawa nya, tatlong anak at mga asawa nila na niligtas ng Diyos sa malaking baha na lumipol sa mundo. Ang Nuwebe ay mga ketongin na ginamot ni Hesus; sampu sila pero siyam ang hindi man lang nagpasalamat. Ang Diyes ay ang Sampung Utos ng Diyos na inabot kay Moses. Ang Jack ay nagpapalala kay Satanas, isang dating anghel ngunit sinipa sa langit dahil sa kanyang masamang gawi at siya ngayon ang joker sa impiyerno. Ang Queen ay ang Birheng Maria. At ang King ay si Hesus, Hari ng lahat.
“Kaya kapag nais kong kausapin ang Diyos at magpasalamat sa Kanya, ang mga lumang barahang ito ang nagpapaalala sa akin.”
“Pahiram nga ng baraha at magdadasal din ako,” anang sarhento.
- Latest
- Trending