EDITORYAL - Baguhin ang sistema sa pagpili ng barangay head
Masama ang resulta ng idinaos na barangay at Sangguniang Kabataan elections noong Lunes. Nabahiran ng dugo, maraming nasaktan at maraming nadismaya. Sa pinakahuling ulat, lima ang namatay noong Lunes habang idinadaos ang election. Sabi ng pamahalaan, mapayapa raw ang election. Mula nang magsimula ang campaign period noong Setyembre 25, 33 katao na ang namatay at 14 ang nasugatan. Iyan ang sinasabing mapayapang election. Kailan ba naging mapayapa ang election sa bansa?
Maski si President Noynoy Aquino ay hindi nasiyahan sa ginanap na election. Kulang sa preparasyon ang Commission on Elections (Comelec) kaya mara-ming botante na naman ang nadismaya. Atrasado ang pagdating ng mga election paraphernalias. Maraming botante ang nahirapan na naman sa paghanap ng kanilang mga pangalan sa listahan. Maaga pa ay marami nang nakapila subalit matagal bago naum-pisahan ang botohan dahil wala pa ang mga gagamitin gaya ng mga balota.
Laganap ang vote buying at marami ang flying voters. Maski araw na ng election ay marami pa rin ang nangangampanya. Isang paglabag sa Omnibus Election Code. Binabalewala ang kautusan ng mga kandidato partikular na ang mga tumatakbo para sa Sangguniang Kabataan. Maraming kandidato sa SK ang lantarang namimili ng boto. Mga bata pa ay corrupt na. Paano kung nasa mataas na posisyon na sila sa barangay? Baka maging pugad na ng corruption ang barangay kung ganitong klase ng mga kabataan ang maluluklok.
Nakita na ni Aquino ang hindi magandang nangyari sa barangay elections at siguro panahon na para magkaroon na nang pagbabago sa sistema. Mas maganda kung pipiliin o ia-appoint na lamang ang magiging puno ng barangay at wala nang election. Maaaring ang mag-aappoint ay ang mayor mismo. Sa ganitong sistema mababawasan na ang gastos kung magdaraos pa ng election. Mawawala na rin ang kaguluhan dahil wala nang kampanya.
Ang Sangguniang Kabataan naman ay ibasura na. Nasasayang lamang ang buwis ng taumbayan dito bukod sa tinuturuang maging corrupt ang mga kabataan.
- Latest
- Trending