MARAMING mambabasa ang humiling ng dagdag pang mga kuwento tungkol sa pagkakaibigan, tulad nu’ng nakaraang Biyernes. “Damon at Pythias” ng Greece ang pinaka-tanyag na ehemplo sa buong mundo. Isinalin na ito sa dose-dosenang wika at ilang beses nang isina-pelikula:
Sina Damon at Pythias ay mga disipulo ng pilosopong Pythagoras nu’ng ika-4 na siglo bago si Kristo. Nagla-lakbay sila sa Syracuse nang akusahan si Pythias ng pagtatangka laban sa Haring Dionysius I. Bilang kaparusahan, hinatulan siya ng kamatayan.
Tinanggap ni Pythias ang hatol. Pero nagmakaawa siya na payagan umuwi sa huling pagkakataon, upang ayusin ang mga nakabinbin at magpaalam sa pamilya. Ayaw maisahan ni Dionysius, kaya tumanggi sa hiling sa paniniwalang kapag pinalaya, tatakas at hindi babalik si Pythias.
Ipinakaon ni Pythias si Damon at pinakiusapang humalili sa kulungan habang wala siya. Pumayag si Dionysius, sa kundisyong kung hindi bumalik si Pythias sa takdang araw, si Damon ang papatayin. Pumayag si Damon, at pinalabas si Pythias.
Kumbinsido si Dionysius na tumalilis si Pythias, kaya nang sumapit ang araw ng execution, ipinahanda niya ang pagpatay kay Damon.
Ngunit nang papatayin na ng executioner si Damon, biglang dumating si Pythias.
Humingi si Pythias ng paumanhin sa kaibigang Damon dahil sa natagalan niyang pagdating. Ipinaliwanag niya na nu’ng pabalik na siya sa Syracuse, hinarang ang kanyang barko ng mga pirata, at ihinagis siya sa dagat. Taimtim na nakinig si Dionysius habang ikinukuwento ni Pythias kay Damon ang kanyang paglangoy at pagmamadaling pagpatuloy patungong Syracuse, at nakara-ting para iligtas ang kaibigan.
Nabagbag ang damdamin ni Dionysius sa tiwala at katapatan ng magkaibigan, kaya’t pinalaya sina Damon at Pythias at ginawang mga tagapayo sa kanyang kaharian.