Desisyong walang kaplastikan
TATLONG linggo na ang nakararaan, sinuspinde ni DOTC Secretary Jose de Jesus ang public bidding para sa supply ng driver’s license. Nakatakda sana ito sa September 24. Pinarerepaso ang pinagbatayang Terms of Reference (TOR) ng pagsubasta.
Panahon pa ni Presidente Cory ay kilala ko na itong si Secretary De Jesus. Palibhasa’y dating seminarista, masyadong straight. Gusto niya na masusing pag-aralan pa ang mga naisumiteng bid. May reklamo kasi na tila raw ang mga kondisyones ng (TOR) ay pumapabor sa isang partikular na kompanya. Tila nais palitawin ng nagrekla-mo na magiging lutong makaw ang bidding process.
Mahigit sa kalahating bilyong piso ang kontrata na hindi birong halaga. Sa unang tingin – tila hindi tama na pigilin ang isang importanteng transaksyon base lamang sa hinala at negatibong espekulasyon.
Ngunit ayos lang ito. Gusto lamang ni Sec. De Jesus na maging transparent and buong proseso at masunod ang adhikain ni Presidente Noynoy na “matuwid na landas”. Walang masama diyan.
Alam kong hindi pasisilaw sa anumang pinansiyal na tukso si De Jesus o ang bagong pinuno ng Land Transportation Office (LTO) na si Virginia Torres. Hindi nila papayagan ang bidding na mapasukan ng irrelevant and extraneous issues, gaya ng pasaring na isang religious group daw – ang Iglesia Ni Cristo o INC —ang pinababayaang bumandera sa bidding. Ang kontrata ay dapat ipagkaloob ayon sa merito ng bawat bid at hindi base sa kung sino ang mas impluwensyal o malakas.
Kung may isyu man marahil na dapat tingnan ay ang balak na palitan ng isang paper-based material na 80 percent yari sa papel ang lisensyang gawa sa kasalukuyan ay gawa sa plastik. Ang papel umano ay water-proof, matibay at di nalulukot. Hindi rin nabubura ang mga letra at di kumukupas ang larawan ng driver — mga depektong nakita sa plastic license. Biodegradable din daw ito, kaya environment-friendly.
Sa puntong ito, tiyak na ang ganitong material ay papaboran ng mga environment advocates. Itanong man natin kay Senator Loren Legarda.
- Latest
- Trending