Pagsubok: Talas ng utak sa gipit
NU’NG unang panahon sa isang nayon nabaon sa utang ang magsasaka sa usurero. May pagnanasa ang matanda’t pangit na usurero sa bata’t marikit na anak ng magsasaka. Nag-alok ito: kakalimutan niya ang utang kung ipakakasal sa kanya ang dalaga. Kinilabutan ang mag-ama sa alok. Kaya minungkahi ng tusong usurero na ipaubaya nila sa kapalaran ang pasya. Magsisilid daw siya ng isang itim at isang puti na bato sa bag na walang laman. Dudukot ang dalaga ng isang bato mula rito. Kapag: (1) nadukot ang itim na bato, dapat ay maging asawa niya siya, at patatawarin ang utang ng ama; (2) nadukot ang puting bato, hindi na siya kailangan pakasalan ng dalaga, ngunit patatawarin pa rin ang utang ng ama; (3) tumanggi siyang dumukot ng bato, ipakukulong ang kanyang ama.
Naglalakad sila noon sa mabatong daanan sa bukirin ng magsasaka. Habang nag-uusap sila, pumulot ng dalawang bato ang usurero. Napansin ng dalagang matalas ang mata na parehong itim na bato ang pinulot at isinilid ng salbaheng usurero. Pinadukot ang dalaga ng bato sa bag.
Ngayon isipin mo na naroon ka eksena. Ano ang gagawin mo kung ikaw ‘yung dalaga. Kung kailangan mo siya payuhan, ano ang sasabihin mo sa kanya?
Kung susuriin, tatlo ang posibilidad: (1) Tumanggi dumukot ng bato ang dalaga. (2) Ilantad niya ang pandaraya ng usurero na parehong itim na bato ang isinilid sa bag. (3) Dumukot ng isang bato at isakripisyo ang sarili upang mailigtas ang ama sa utang.
Sirit na? Ito ang ginawa ng dalaga: Dumukot nga siya ng isang bato, ngunit patay-malisya ay mabilis niya itong binagsak at winala sa marami pang mga bato sa daanan. “Ay napaka-hina ko talaga,” aniya. “Pero hindi bale, silipin mo na lang kung ano ang kulay ng natitirang bato sa bag, para malaman kung ano ang nabunot ko.”
At dahil itim ang nalalabing bato, masasabing puti ang nabunot. Hindi na pinahiya ang usurero. Pero nalusutan ang masama niyang balak.
- Latest
- Trending