Bali-Bag
MALI naman ang pangmamata ni DepEd Sec. Armin Luistro sa panukalang batas ni Senador Manuel Lapid na ipagbawal ang mga sobrang laki at overweight school bags. Tinawanan pa ng Kalihim ang hakbang ng Senador at sinabing marami na tayo masyadong batas. Isa ako sa hindi tumatawa. Ang totoo’y kabilang ako sa maraming natutuwa.
Karaniwan na sa mga grade school ang pobreng mga estudyanteng tangan ang ga-toneladang backpack o di kaya’y bag na de-gulong na kasingbigat ng hollow block sa pagpasok sa iskwela. Kailangan bang maging doktor upang unawain na ito’y may masamang epekto sa kalusugan ng mga bata? Kawawa sa lahat yung malayo ang pinanggagalingan. Kumpleto sa supporting papers ang Senador at nabanggit niya ang research ng isang pamantasan sa South Africa na ang back pain at spinal problem ng kabataan ay dahil sa mabigat na timbang ng backpacks.
Hindi lamang ito delikado sa may tangan ng bag. Ma-ging ang mga kaiskwela ay namemeligro, lalo na kapag ang classroom ay nasa matataas na palapag. Ilang istudyante na ang nabalian sa mga nabibitiwang bag ng mga batang nahihirapan sa hagdanan? Karaniwan nang karanasan sa mga grade school ang mga batang ibina-balibag na lang pababa ng hagdan ang mga mabibigat na bag sa dismissal. Walang kalaban-laban ang sinumang malas na maabutan ng rumaragasang bag.
Kung inaakala ni Sec. Armin na kaya itong solusyonan sa baitang ng prinsipal, marahil ay wala pa siyang nakakausap na prinsipal. Sa mga paaralang may asosasyon ng magulang na nakiusap na alalayan ang mga bata, suwerte na ang may 5% na napangakuan ng pagbabago. Sa karamihan ang sagot ay NO dahil bahagi ito ng cha-racter building ng bata.
May pruweba na masama sa kalusugan ang super bigat na bag. Tama si Sen. Lapid. May natutunan din pala ito sa kanyang panahon sa Senado. Hindi na dapat hintayin na kumilos ang mga paaralan – lalo’t sila ang may pakana ng ganitong sistema. Ipagbawal na please!
Timbangin ang mga bag kung kailangan o kaya’y magtalaga ng assistant sa hagdanan.
Mahalaga masyado ang kalusugan ng ating mga anak. Hindi ito pinagtata-wanan lamang.
Sen. Manuel Lapid Grade: 85
- Hindi na BAGito
- Latest
- Trending