'Mga surot sa bus.'

SUMISIKSIK, puntirya ay taong may mahahalagang gamit, iniipit at kapag nakakuha na ng tiyempo ay kumukupit, sila ang notoryus na IPIT gang.

maihahalintulad ang mga pesteng ito sa mga totoong pesteng insekto, ang mga surot.

Uso ngayon ang eskobahan, o ‘yung pandurukot kung saan nilalaslas ang bag ng biktima o di naman kaya ay pang-iipit sa biktima upang makuha ang mahalagang bagay sa katawan nito.

Ang nakakatakot, kahit maliwanag ang araw ay umaatake. At ang diskarte ng mga kolokoy, habang umaandar ang bus, isasagawa ang pagpuwesto ng mga mandurukot.

Base sa report na natanggap ng BITAG sa mga sunod-sunod na nabiktima ng IPIT GANG, anim hanggang sampung katao ang sabay-sabay na sumasakay sa bus.

Partikular ang lugar ng Cubao at Pasay na pinanggagalingan ng mga miyembro ng Ipit Gang. Lugar na maraming pinanggagalingan ng tao.

May uupo sa tabi ng driver, unahang bahagi ng bus, sa gitna at sa likuran. Isa-isang hahanap ng kanilang mga prospek.

Kapag napili na ang pasaherong bibiktimahin, isa-isa nang pupuwesto ang mga miyembro. Mula sa likuran at gitnang bahagi, lilipat na ito sa harapan upang maaba-ngan pagbaba ng bibiktimahing pasahero.

Oras na pumara ang pasahero, saka makikipagsaba-yang bumaba ang mga pesteng mandurukot at pasimpleng iipitin nito ang target na pasahero.

May pagkakataong may halong drama ang kanilang pandurukot. Palalabasing ang biktima ang nang-ipit at nasaktan nito ang isa sa mga suspek.

Dahil dito, nakuha na ang atensiyon ng biktima kung kaya’t walang malay itong dinudukutan na siya sa kanyang likuran o tagiliran.

At kapag pumalag ang biktima, kuyog ang aabutin nito. May mga suntok itong matatamo buhat sa mga suspek na nakapaligid sa kaniya.

Naaalala pa ng BITAG, taong 2005 pa, sabi ng Philippine National Police noon, dalawang pulis raw ang itatalaga sa mga bus. Nasaan na ba ang sabi-sabing ito?

Nabawasan nga ang holdapan sa bus, eto naman ang mga walang ka­luluwang Ipit Gang na nam­bibiktima ng kapwa nila Pilipinong naghahanap-buhay din.

Kelan kaya matatapos ang maliligayang araw ng mga salot na ito? Kelan kaya PNP? Tsk-tsk-tsk!

Show comments