Laguna de 'baho'
GANYAN ang malamang na kahihinatnan ng Laguna de Bay na balita ko’y unti-unting napo-pollute ng basurang tumatagas sa lawa dahil sa isang kalapit na dumpsite.
Tone-toneladang basura umano sa isang dumpsite na malapit sa lawa ang naitatapon at tila walang magawa ang local na pamahalaan. Umaapela ang mga residente ng Southpeak sa San Pedro, Laguna sa local na pamahalaan na aksyonan ang nakaambang panganib.
Anim na kilometro lamang daw ang lapit ng dumpsite sa bunganga ng Laguna de Bay. Anang mga nababagabag na residente, dumadaloy ang nakalalasong katas ng basura at iba pang polusyon sa Laguna de Bay dahil sa Tunasan River na nagsisimula sa mababang bahagi ng dumpsite.
Ang Laguna de Bay ang pangunahing lawa na pinagmumulan ng mga isdang tabang na nabibili sa Metro Manila. Higit sa 70 porsiyento ng mga isdang ibinebenta sa mga lokal na palengke ay galing dito.
Kung masasalanta ang lawa, nakataya rin ang kabuhayan ng libu-libong mamamayang umaasa sa pangi-ngisda sa lugar na ito. Importante ang lawa ng Laguna. May balak pa naman na gawin itong source ng maiinom na tubig dahil sa pagkatuyo ng Angat Dam. Pero sa kabila ng utos ng DENR sa Laguna Lake Development Authority, hindi nabibigyang pansin ang panganib dulot ng dumpsite malapit sa lawa.
Tanong ng mga residente sa Sothpeak, bakit nagsasawalang kibo ang alkalde ng San Pedro na si Mayor Calixto R. Cataquiz sa kabila ng mga pagtutol? Napapaligiran pa ng mga armadong guwardiya ang dumpsite at batid iyan ng pulisya ng San Pedro.
Ibinunyag ng isa sa mga konsehal ng San Pedro, na ayaw magpabanggit ng pangalan dahil sa takot na baka balikan siya ng kanyang mga binabatikos, na patuloy ang operasyon ng tambakan ng basura dahil maaaring may ilang matataas na pinuno ng munisipalidad ang kumikita mula rito.
“Totoo ang kasabihang ‘may pera sa basura.’ Pero ang hindi naiisip ng mga taong nagkakamal ng salapi na maaaring magkaroon ng malalaking problema sa kalusugan at kalikasan ang mamamayan ng San Pedro,” anang konsehal.
- Latest
- Trending