Materyal sa paggawa ng driver's license

NAPAG-USAPAN namin ng aking panganay na anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang mga talakayan ngayon tungkol sa materyal sa paggawa ng driver’s license. Palpak ang kasalukuyang plastic license card na mabilis kumupas at mabura ang retrato at mga impormasyon, madaling masira at kayang-kayang mapeke, kumpara sa “security paper license cards” na sinasabing mas matibay, environment-friendly, natatakdaan ng mas epektibong security features at mas mura.

Napaulat kamakailan ang reklamo ng mga tsuper na kakukuha pa lang daw nila ng kanilang lisensya ay halos burado na agad ang mga impormasyon dito laluna ang kanilang retrato kaya’t nagkakaroon sila nang mala-king problema kapag sila ay nahuhuli sa traffic violation at naaakusahan pang hindi sa kanila ang dala nilang lisens­ya dahil nga halos hindi na nababasa ang mga naka-imprenta roon.

Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Virgie Torres, napakarami nilang natatanggap na reklamo sa plastic license cards. Kasabay nito aniya ay lumabas naman sa mga pag-aaral ang mga sumusunod na impormasyon:

Ang imprenta ng litrato at mga impormasyon sa driver’s license ay mas tumatagal sa paper card dahil nanunuot sa papel ang tinta ng imprenta, kumpara sa PVC card na nakapatong lang sa ibabaw ang imprenta;

Kaunti lang ang kayang mailagay na security features sa PVC card kumpara sa paper card na pwedeng takdaan ng napakaraming “high security and quality features” tulad ng watermarks, Guilloche security designs, kinetic holograms, security foils at “optical variable inks or devices.” Ito umano ang dahilan kung bakit security paper ang ginagamit sa mga “bank note” ng Bangko Sentral ng Pilipinas at sa passport na iniisyu ng De­partment of Foreign Affairs;

Ang paggamit ng secu­rity paper bilang materyal ng driver’s license ang mo­dernong sistema ngayon sa kalakhan ng mundo, partikular sa mga mauun­lad na bansa tulad ng France, Ireland, Brazil, at marami pang iba.

Show comments