Numero uno
SA unang testigo pa lang laban kay Andal Ampatuan Jr., napakalaking pasabog na ang sinalaysay. Ayon sa testigo, planado ang massacre ng buong angkan, na may basbas pa ng pinakamatanda sa angkan ng mga Ampatuan na si Andal Sr.! At nang tinukoy ang mga media na maaaring kasama ng convoy ng mga Mangudadatu, ang pinasya ay ubusin lahat para wala nang makasalita pa ukol sa nangyari! Sa pamilya Ampatuan, ayon sa testigo na nanilbihan na sa kanila ng ilang taon, napakadali pumatay nang maraming tao!
Dagdag pa ng testigo, may nakahanda nang plano na kung aarestuhin si Andal Jr., isusuko siya sa poder ni da-ting President Arroyo. Kaya raw nandun sina Didagen Dilangalen at Jesus Dureza. Kaya pati pangalan ni Arroyo ay nadadawit na rin sa kasong ito, at baka matawag pa siya bilang testigo, o kaya’y masama na rin sa paglilitis! Lumalabas na kaya napakalakas ng loob ng mga Ampatuan na gumawa ng ganitong klaseng krimen, ay dahil sa tingin nila ay malaki ang utang ng loob ni Arroyo sa kanila.
Sila ang nagpanalo sa lahat ng senador ng partido ni Arroyo noong 2007 elections sa Maguindanao. Ilang araw makaraang matuklasan ang krimen at maaresto na si Andal Jr., nanawagan at pinaalala ni Zaldy Ampatuan kay Arroyo kung gaano kalaki ang naitulong ng kanilang pamilya sa kanya! Naniningil, ika nga!
Kung sa unang testigo ay ganito na ang pahayag, ano pa kaya ang matutuklasan sa kasong ito? Palagay ko mas detalyadong makikita ang gawain ng isang politikal warlord at kanyang pamilya. Sa kanilang pananaw sila ang mga diyos sa kanilang lugar, kaya wala sa pag-iisip nila na makasalanan ang kanilang mga ginagawang krimen. Paniniwala nila na sila’y hindi mahuhuli at mapaparusahan. Pero ang tanong, paano umabot sa ganitong kaugalian ang mga Ampatuan? Pera ang kailangan ng isang pamilya para maging warlord. At ang pinakamabilis na paraan makasamsam ng pera ay maging maruming pulitiko. Sa isang lugar katulad ng Maguindanao, madali iyon. Pero, para maging makapangyarihan talaga, dapat may pahintulot at basbas ng mataas na opisyal, tulad ng presidente ng bansa. Sino kaya ang nagpayaman at nagbigay ng libu-libong armas sa mga Ampatuan?
- Latest
- Trending