Matuto sa 1998 Dapecol hostage assault
KUNG gusto ng mga Manila police na matuto tungkol sa kung paano ang pagsalakay sa isang hostage situation, tanungin lang ang grupo nina Senior Supt. Ronaldo dela Rosa na ngayon ay provincial police director na ng Davao del Sur at si Senior Supt. Wilkins Villanueva ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sina dela Rosa at Villanueva ay dalawang police officers na namuno sa walong pulis sa pag-assault sa walong preso na nang-hostage ng ilang staff ng reception and diagnostic center ng Davao Penal Colony sa Panabo City, Davao del Norte noong March 1998.
Si dating Mindanao Development Authority (MinDA) chair Jesus Dureza naman ang tumayong crisis manager at siyang tagapagsalita sa media.
‘Yong 1998 hostage-taking sa Dapecol ang masasabi kong perfect media management din kasi talagang naisahan nga kami na mga nag-cover noon.
Habang nangyayari ang pangho-hostage, andun agad si Dureza na binigyan kaming mga taga-media ng updates sa loob ng Dapecol. Nakakapunta naman kami ng Dapecol kahit paano ngunit tanging sa may designated areas lang kami pupuwede.
Ngunit isang araw tuwang-tuwa kaming taga-media dahil nga sinundo kami ng dalawang helicopter galing Davao City para sa isang coverage sa Dapecol. Andun din si Dureza sa pangatlong helicopter.
Pagdating sa Dapecol binaba kami sa area na malapit pa nga sa kung saan ang mga hostage-takers na mahigpit na binabantayan ang kanilang mga bihag gamit ang ilang baril, mga granada at mga punyal.
At pagkatapos pinayagan kaming mga taga-media na lumapit nga sa kung saan ang mga hostage-takers at kanilang mga biktima. Malaya kaming nakapag-interview sa mga hostage-takers at maging sa mga bihag. Nakuha namin ang litanya ng mga hinaing ng mga hostage-takers maging ang kanilang mga mensahe sa kanilang mga kaanak.
Makaraan ang isang oras pinasakay rin kami uli sa dalawang helicopter at sabay din naming umalis si Dureza sa pangatlo ngang chopper. May pa-bye-bye pa nga kami sa mga hostage-takers noon dahil nga makikita nila kami mula sa silid na kanilang kinaroroonan.
Umalis kami ng Dapecol na kahit paano ay satisfied na kasi nga maraming nakuhang istorya sa aming interview. Tanghali na rin yon at naghahabol na kami ng deadline. Kaya walang narereklamo sa amin dahil pantay naman kaming lahat sa gusto naming makuha sa coverage.
Ngunit noong lumapag ang chopper namin sa Davao Airport saka lang namin nalaman na sinugod pala ng assault team nina Dela Rosa at Villanueva ang mga hostage-takers sa loob ng silid ng reception area at patay silang lahat. May isa o dalawang bihag naman ang namatay.
Ang galing ng ginawa nina Dela Rosa at nina Villanueva dahil talagang binigla nila ang mga hostage-takers sa pag-atake nila kahit na sarado ang main door ng silid. Dumaan sa likurang bintana ang assault team na pawang mga naka-shorts at naka t-shirt lang noon na nakisabay pa nga sa amin sa media noong nag-iinterview kami.
Nagtaka nga ako noon bakit biglang dumami kaming mga taga-media noon na pinalapit sa mga hostage-takers. Akala ko mga cameramen sila dahil nga may dala-dala pang mga camera. Yon pala mga assault team members yon na tiningnan ang puwesto ng mga hostage-takers.
Saka ko lang din naintindihan kung bakit sa pagdating namin sa Davao Airport eh nawala ang chopper ni Dureza. Yon pala tumungo siya sa kalapit na resthouse ng mga Foirendo at doon hinintay ang resulta ng assault nina dela Rosa at Villanueva.
Kung tutuusin maraming matutunan ang mga taga-Maynila sa mga taga-Mindanao kung ang hostage-taking at kidnapping situations ang pag-usapan.
Kaya kayong mga pulis-Maynila kausapin n’yo na si Villanueva at dela Rosa maging si Dureza at nang sa su sunod na hostage crisis situation, eh alam n’yo na paano ang gagawin at hindi kayo magmumukhang tanga dahil walang marunong sa crisis management sa inyo gaya ng nangyari sa Quirino hostage crisis.
- Latest
- Trending