EDITORYAL - Buwagin ang mga walang pakinabang
SALAMAT naman at mawawala na ang mga tanggapan ng gobyerno na walang pakinabang. Salamat at wala nang pasusuwelduhing mga opisyal na wala namang naipagkakaloob sa sambayanan. Sa Enero ay buwag na ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) at ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG). Marami pang inutil na tanggapan at dapat ding isunod para naman makatipid ang bankaroteng gobyerno. Hindi na dapat pinatatagal pa ang buhay ng mga walang silbing tanggapan.
Ang PAGC na binuo ni dating President at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo ay dekorasyon lamang. Binuo lamang para masabing may ginagawa ang gobyerno laban sa mga corrupt. Pero mula nang itatag ang PAGC, walang malalaking “isda” na naparusahan dahil sa graft and corruption. Lalo pa ngang lumala ang kurakutan sa mga tanggapan sa gobyerno sapagkat nabankarote nang maupo si President Aquino. Yung budget para 2010, ay kapiranggot na lamang ang natira.
Kung tutuusin maraming corrupt na dapat sana ay nahuli ng PAGC. Sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na lamang ay ma raming mga opisyal na sumusuweldo nang napakalalaki at mayroon pang sandamukal na bonus. Isang halimbawa ay sa MWSS na ang mga opisyal pala roon ay sumusuweldo nang pagkalalaki at may 33 bonus na tinatanggap sa loob ng isang taon. Pati karaniwang drayber doon ay maaaring makapag-car loan. Hindi lamang sa MWSS may malaking suweldo ang mga opisyal kundi pati na rin sa Social Security Systems (SSS). Habang ang ibang tanggapan ng gobyerno ay halos lubog sa utang ang mga empleado, umaapaw naman sa dami ng sinusuweldo at benepisyo ang mga taga-MWSS. Anong ginagawa ng PAGC at hindi nakita ang mga katiwaliang ito.
Ang PASG ay isa rin sa inutil na tanggapan. Dekorasyon lang kaya tinatag ng Arroyo administration. Walang “malalaking isda” na nalambat ang PASG. Lalong lumala ang smuggling. Dumagsa ang mga produkto at pinatay ang mga local manufacturers. Walang nagawa ang PASG gayung pinasusuweldo ang mga opisyal nito nang malalaki.
Salamat at binuwag na ang PAGC at PASG. Isunod naman ang iba pang inutil.
- Latest
- Trending