Department of Health: Mataas ang kredibilidad
MAPALAD kaming makausap si Attorney Alex Padilla, ang Undersecretary ng Department of Health, sa aming radio program sa DZRH. Ayon kay Usec Padilla, may 10 taon na siyang nagtatrabaho sa DoH, at sa mga panahon na iyon, ay nangunguna ang DoH sa pagtitiwala ng publiko.
Isa sa pinakamagaling at may integridad na opisyal ng DoH si Usec Padilla. Malawak ang kanyang experience. Nagsilbi siya bilang Commissioner of Customs, DILG Assistant Secretary at Senior State Prosecutor sa Department of Justice. Dahil sa kanyang galing, kinuha siya ni dating DoH secretary Manuel Dayrit noong 2001.
Kampanya ng DoH laban sa tobacco:
Bilang isang abogado sa DoH, ang layunin ni Usec Padilla ay maprotektahan ang kapakanan at kalusugan ng bawat Pilipino. Ayon sa mga doktor, napakalaki ang masamang epekto ng sigarilyo sa kalusugan ng Pilipino. May 60 itong kemikal na nagdudulot ng kanser. Sa katunayan, ang mga nangungunang sakit na pagkamatay sa Pilipinas ay dahil sa paninigarilyo, katulad ng sakit sa puso, istrok, kanser, at sakit sa bato.
Ayon sa pag-aaral, dumarami ang bilang ng mga kabataan at kababaihan na naninigarilyo. Para mapigilan ang masamang epekto ng sigarilyo, may plano ang DoH na itaas ang buwis sa sigarilyo. Halimbawa, ang isang pakete na nagkakahalaga ng 30 pesos ay itataas na sa 120 pesos para hindi na maabot ng budget ng kabataan.
Hindi naman dapat magreklamo ang mga tobacco companies dahil mas mura pa rin ang sigarilyo sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Isa pa, kapag tinaas ang presyo ng sigarilyo ay tataas din naman ang kita nila sa bawat pakete, kaya hindi naman sila malulugi.
Ang kabutihan pa ng buwis sa sigarilyo ay makakalikom ng dagdag budget ang Department of Finance, na ilalagay din sa budget sa PhilHeatlh at Department of Health.
Sa pamumuno ng ating bagong DoH secretary Dr. Enrique Ona, sana ay suporthan natin itong pagpa- taw ng tax sa sigarilyo para sa kapakanan ng ating mga mamamayan, lalo na ang ating kabataan. Itigil na ang paninigarilyo.
(Iniimbitahan ko po ka-yong makinig o manood sa aming radio program “Docs on Call” sa DZRH 666 sa AM band tuwing Sabado 5:30-6:30 PM. Mapapanood din ang programa sa RHTV sa pamamagitan ng internet (DZRH.tripod.com) at sa Dream Cable TV at Cable link TV.)
- Latest
- Trending