Pinas dangerous place na; Gising PNP!
BUKOD sa malagim at madugong hostage-taking ng isang natiwalag na PNP official sa Luneta, marami pang peace and order concerns na dapat asikasuhing mabuti ng Philippine National Police (PNP).
Kamakalawa bago nangyayari ang 11-oras na hostage drama sa harap ng Quirino Grandstand, isang Korean Pastor ang pinatay ng mga holdaper-kidnapper na dumukot pa sa dalawa nitong kasamahan. Nangyari ito hindi sa isang liblib at malayong lugar kundi mismong sa kilalang sentro ng kalakalan, ang Ortigas Center. Kung pati sa ganitong abalang lugar ay puwedeng mangyari ang ganyang uri ng krimen, saang lugar pa sa ating bansa ang maituturing na ligtas? Hindi katuwiran na madaling araw nang maganap ang krimen. Wala bang presensya ng mga pulis at gumagalang mobile patrol ang lugar na ito? Kung wala, bakit? Kung meron, bakit may nangya-ring krimen? Ayaw kong isipin na pati alagad ng batas ay kakutsaba na ng mga kriminal.
Hindi ko sinasabing tutulug-tulog ang PNP sa pamumuno ng kaibigan nating si PNP Director Jess Versoza. Pero lubhang nakababahala ang pagtaas ng mga ganitong crime incidents sa bansa na ang mga biktima ay mga dayuhan. Pero Pilipino man o dayuhan ang biktima, ito’y isang problemang dapat resolbahin sa lalung madaling panahon.
Ilang araw lang ang nakararaan, isa namang negos-yante kinilalang si Jorge Bernas, kasama ang kaibigang Briton na si Charles McKerchar ang nakaligtas sa isang bigong assassination attempt na tila hindi pa rin batid ang tunay na motibo ng mga salarin.
Tila may sindikatong kriminal na aktibo ang operas-yon at ang target ay mga mayayamang negosyante at mga dayuhan. Mahirap manghula kung ano ang motibo pero hindi iyan ang mahalaga. Dapat nang maputol ang ganyang klase ng kriminalidad na ginagawang “katatakutan” ang Pilipinas sa mata ng international community.
Matapos ang hostage crisis sa Luneta, idineklara ng maraming bansa ang Pilipi-nas na isang mapanganib na lugar na di dapat puntahan. Ano ba iyan, nahahanay na tayo sa mga bansang “barbaro” na dapat pangilagan?
- Latest
- Trending