EDITORYAL - Huwag maging 'malansang isda'
“MALANSANG isda’’ ang tawag ni Dr. Jose Rizal sa mga hindi nagmamahal sa sariling wika. Kung bakit sa malansang isda niya inihalintulad ang mga hindi nagmamahal sa wikang sarili ay walang makapagsabi pero ang tiyak, nakasusuka at nakapandidiri ang amoy ng malansang isda. Kaya nakasusuka at nakadidiri ang isang hindi nagpapahalaga sa sariling wika.
Ngayong araw na ito ay kaarawan ni dating President Manuel L. Quezon. Kapag nabanggit ang pangalan ni Quezon, ang isa sa mga maaalala sa kanya ay ang pagmamahal niya sa sariling wika. Isa siya sa mga presidenteng labis ang pagmamahal sa wikang sarili. Siya ang tinaguriang ‘‘Ama ng Wikang Pambansa’’. At katulad ni Rizal, galit din si Quezon sa mga hindi nagpapahalaga sa sariling wika.
Pagkatapos nina Rizal at Quezon, si dating President Ferdinand Marcos ang isa sa mga presidenteng nagpakita ng pagmamahal sa wikang Pambansa. Sa termino niya isinalin sa wikang Filipino ang mga pangalan ng tanggapan ng pamahalaan. Sa panahon niya lumutang ang labis na pagmamahal sa wikang Filipino kung saan pati ang medium of instruction sa mga paaralan ay sa Filipino. Siya rin ang kauna-unahang presidente na nanumpa sa wikang Filipino.
Sa nakaraang Arroyo administration walang makitang napaunlad ang wikang Filipino at mas napaboran pa ang English. Sa panahon ni Arroyo ibinalik ang English bilang medium of instruction. Katwiran ay marami raw estudyante ang bobo sa English. Napag-iiwanan na raw ang Pilipinas ng mga katabing bansa dahil mapupurol na sa English. Kailangan daw maging competitive globally ang Pilipinas.
Maaari namang matuto sa English na hindi isasantabi ang wikang Filipino. Ang mahirap sa nakaraang administrasyon, binabalewala ang sariling wika at nagpapakadalubhasa sa English. Hindi naman tama ang ganito. Paghusayan ang English pero dapat sa Filipino rin.
Sa gobyerno ni President Noynoy Aquino ay nakikitang yayabong pa ang wikang Filipino. Matatas sa Filipino at English si Noynoy. Mas pinapaboran niya ang paggamit ng Filipino para raw maintindihan nang nakararami. Sa kanyang State of the Nation Address, maliwanag niyang naihatid ang kanyang saloobin, damdamin at mga pinapangarap para sa bansa at mamamayan. Kamakailan, iniutos niyang magpatugtog ng awiting Pilipino bawat oras sa mga radio stations. Ganito ang presidenteng may pagggalang at pagmamahal sa sariling wika at hindi katulad ng ibang mas malansa pa sa isda.
- Latest
- Trending