Ang SIGA.
SIGA ang tawag ng Barangay Calumpang sa 25 taong gulang na si JP at dahil sa video na kuha ng CCTV surveillance, naidokumento ang kaniyang pagiging astig.
Subalit nang makaharap nito ang BITAG, ang dating Agilang naghahari-harian sa Marikina, nagmistulang basang sisiw na.
Ang dahilan ng pagtunton ng BITAG sa binatang si JP ay dahil inireklamo siya ng kaniyang biktimang disi-nueve anyos.
Dala ang cellphone ng biktima, ipinapanood niya sa aming grupo ang kuha ng CCTV ng bakery kung saan siya pinagbubugbog at kinulata ng tropa ni JP.
Sa video na aming napanood, alas-kuwatro raw ng madaling-araw tahimik na bumibili ng pandesal ang biktima.
Bigla siyang nilapitan at kinumpronta ng butangerong binata. Ayon sa biktima, tinanong daw siya kung kilala niya ito dahil siya raw ang pinaka-siga sa lugar.
Kitang-kita sa video ang hindi pagkibo ng biktima. Subalit dito nagsimula siyang sapakin, sampalin at batukan ng suspek.
Ang mga tindero’t tindera ng bakery, naawa sa biktima at pinapasok ito sa loob ng panaderya.
Hindi pa rin mapigil ang nagwawalang binata, hinila pa nito ang biktima palabas ng panaderya at inupo sa isang sulok.
Dito na sunod-sunod na binugbog ang disinueve anyos na nagrereklamo. Suntok, tadyak at hampas na ang makikita sa video na tinatamo nito mula sa SIGA.
May aktong umaawat ang katropa ng siga, pero sa huli nakikisuntok at tadyak na rin ang mga ito.
Dahil walang magawa ang mga opisyales ng Barangay Calumpang sa Marikina ayon sa mga biktima, BITAG na ang kumilos.
Kung anong laki ng katawan at yabang ng suspek sa video, siya namang tiklop nito ng sunduin namin siya mismo sa kaniyang bahay.
Isinagawa din namin ang re-enactment sa video, ipinapanood pa namin ito sa kanya. Kinakausap lang daw niya ang biktima ng mga oras na iyon, ‘yun pala’y nakainom at lasing ito.
Dahil nawala ang kaniyang pagkasiga at bumahag na ang kaniyang buntot, nangako itong hindi na uulitin ang pambubugbog kahit kanino.
Kasabay ng kaniyang pangako, isang mensahe ang iniwan ng BITAG. Markado na siya, isa pang sumbong laban sa kaniya, babalik kami, lengguwahe niya’y lengguwahe din ng BITAG.
- Latest
- Trending