Hindi naman pala
TANONG ng barbero kong si Mang Gustin, “Bakit ba nagngingitngit si House Minority Leader Edcel Lagman sa binuong Truth Commission ni President P-Noy?”
Ang ganda nga naman ng layunin ng Komisyon: Palabasin ang katotohanan tungkol sa mga alegasyon ng katiwalian laban sa nagdaang administrasyon ni dating President Arroyo. Hindi ba dapat ganyan ang gusto ng bawat Pilipinong may malasakit sa bayan? Ang maisiwalat ang buong katotohanan at hindi pulos akusasyon lamang, at mapanagot ang lahat ng personaheng nangurakot sa kaban ng bayan.
Hahamunin daw ni Lagman ang constitutionality ng binuong komisyon ni P-Noy. Komo siya ngayon ang namumuno sa oposisyon sa Kamara de Representante, nakatakda raw silang magfile ng petition questioning the legality of the Truth Commission headed by former SC Chief Justice Hilario Davide.
Bakit naman? Pati nga si ex-President na ngayo’y Pampanga Rep. na si Gloria Macapagal-Arroyo ay na-ngakong makikipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng komisyon.
Teka, teka Mang Gustin, bago natin husgahan si Cong. Edcel alamin natin kung bakit tutol siya sa isang komisyon na ehekutibo lang ang bumuo.
Aniya, kailangang Kongreso ang lumikha nito para mabigyan ng sapat na prosecutory power at kinakailangang pondo para maayos na makagalaw.
As it is daw, limitado lang ang magagawa ng Truth Commission ni Davide, hindi katulad ng Presidential Commission on Good Governments (PCGG) na nalikha noon pang panahon ni yumaong Pangulong Cory. “Pero kahit ang PCGG ay si Pangulong Aquino lang ang gumawa at hindi ang Kongreso” sabad naman ni Gustin.
Ibang kaso yon. Ayon kay Cong Edcel, nagsimula si Cory Aquino bilang Pangulo ng revolutionary government at ang aksyon niya sa pagbuo ng PCGG ay alinsunod sa tinatawag na freedom constitution. Ah, yun naman pala. Akala ko pinuprotektahan ang kaalyado niyang si Cong. Gloria.
- Latest
- Trending