SI dating Tagaytay City mayor Francis Tolentino ang bagong chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Wala pang limang araw sa trabaho, may pasabog kaagad si Tolentino. Mukhang may dahilan kung bakit may mga bus na walang takot mahuli ng MMDA. Mga rumaragasa sa EDSA na kahit makaaksidente at makapatay, parang hindi naman sila kinakabahan. Ayon kay Tolentino, nadiskubre niya na may ilang kumpanya ng bus na nagbabayad ng buwanang payola sa MMDA traffic enforcers, para huwag na lang silang hulihin, kahit ano pa ang mga violation nila. Ang mga halaga na binanggit ni Tolentino ay nasa beinte hanggang trenta mil kada buwan mula sa bawat kumpanya! May mga terminal din daw na nagbibigay sa mga MMDA enforcers kada linggo, para makapagpatuloy ng operasyon!
Hindi ako naniniwala na sa traffic enforcers lang iyan. Sino ang tumatanggap ng buwanang bayad? Mga MMDA sa kalye? Hindi siguro. May “godfather” iyan sa loob ng MMDA. Ito na malamang iyong sinasabi ni Tolentino na kultura sa loob ng MMDA. Kaya kung may imbestigasyong gagawin hinggil sa mga payola, dapat umabot ito sa pinakamataas na posisyon. Kelan nagsimula? May kinalaman ba ito sa tangkang pagpatay sa isang opisyal ng MMDA noon, kung saan ang anak pa ang napaslang? Dapat mag-ingat si Tolentino at mukhang nasa loob siya ng bahay ng putakti!
Hindi na rin exempted ang mga may plakang “7” at “8” sa coding. At bawal pala na sa harap at likod ng sasakyan ng mga senador at kongresista kinakabit ang protocol plates nila. Dapat sa harap lang, at ang plakang binigay ng LTO ang nasa likod. Doon daw ibabase ang coding nila. Pag-aaralan din ang mga U-turn, kung tama ang mga lokasyon at kung nakakatulong ba talaga sa ilang lugar.
MMDA naman ngayon ang may kaugnayan sa katiwalian. Una ang MWSS, at NFA. Susunod na rin diyan ang DPWH, Comelec at iba pa. Ilang araw pa lang, kitang-kita na ang pagkakaiba sa chairman ngayon at kay dating chairman Bayani Fernando. Mga katiwalian kaagad ang hinanap sa loob ng ahensiya mismo. Paano nga naman magiging maayos ang MMDA kung may mga maruming tao sa loob? At salamat at magkakaroon tayo ng chairman na makikinig sa mamamayan, at hindi iyong bilib na bilib sa sarili. Sa tingin ko hindi makikitang nakakalat sa lansangan ang retrato ni Tolentino. Tukuyin kaagad ang mga scalawags sa loob, at simulan na ang paghahanap ng solusyon sa trapik at baha.
Nagpapasalamat naman ako kay dating MMDA chairman Oscar Inocentes dahil pinalitan niya ang kulay pink sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan.