Malalaking korapsiyon sa Arroyo administration
LUMALAKAS ang panawagan ng iba’t ibang grupo at sektor para sa malaliman at transparent na imbestigasyon sa umano’y napakalalaking korapsyon ng administrasyong Arroyo.
Mahaba ang listahan ng mga isyu, na kinabibilangan ng fertilizer fund scam, Road Users’ Tax scam, NBN-ZTE deal scandal, over importation ng bigas, Jose Pidal secret accounts, OWWA-Philhealth fund scam, paglustay ng calamity fund, midnight deals sa flood control projects, kickback sa IMPSA project, Diosdado Macapagal Boulevard overpricing at napakarami pa.
Nakalulula ang naturang mga isyu ng korapsyon na umaabot sa multi-bilyong pisong halaga. Ang mga ito pa naman ay naganap umano sa gitna ng matinding kahirapan at kagutuman sa ating bansa, gayundin ng pagdami ng mga walang trabaho, ng mga namamatay sa sakit dahil walang pambili ng gamot at pambayad sa ospital at ng mga kabataang hindi nakakayanang makapag-aral.
Ang mga katiwalian na ito rin umano ang pangunahing dahilan kung bakit kakarampot na lang ang pondong minana ng administrasyong Aquino, at pinipilit ngayong pagkasyahing ipantustos sa mga programa at proyekto ng pamahalaan. Ang mga isyung nabanggit ay noon pa ibinunyag at pinaimbestigahan ng aking panganay na anak na si Senator Jinggoy Ejercito Estrada. Hindi nga lang naging ganap na matagumpay ang naturang mga imbestigasyon dahil na rin sa direktang pakikiaalam, pagharang at pagmanipula ng dating administrasyon.
Maraming lumutang na usapin noon na karamihan umano sa mga testigo sa mga isyu laban sa administrasyong Arroyo ay tinatakot, inaaresto, dinudukot, tinotortyur at tinatambakan ng mga inimbentong kaso.
Ngayong may bago nang pamahalaan at tinitiyak naman ng administrasyong Aquino ang hustisya at sapat na proteksyon sa mga testigo ay marami ang boluntaryong lumalantad at nagbibigay ng kaukulang mga impormasyon na makatutulong upang mabigyang-linaw ang naturang mga isyu at mabatid ng taumbayan ang buong katotohanan sa mga ito.
- Latest
- Trending