UNAHIN ko muna ang good news. Nagdeklara ng no take policy sa illegal gambling si NBI director Magtanggol Gatdula. Minabuti ni Gatdula na ipasa sa Philippine National Police (PNP) ang mandate ukol sa paghabol ng illegal gambling. Kaya ang no take policy ni Gatdula sa illegal gambling, sa tingin ng mga kausap ko ay music in the ears para sa mga gambling lords tulad nina Erlan Samson ng Masagana sa Manila at Aging Lisan sa Pasay City. Imbes na makisawsaw sa illegal gambling, balak ni Gatdula na rebisahin ang pagkakitaan sa clearance nila at humingi ng tulong sa “friends” ng NBI para pondohan ang mga proyekto nila. Nais ni Gatdula na ibalik ang old glory days ng NBI. Noong panahon ni NBI director Antonio Carpio, nirerespeto ang NBI subalit ngayon “basag na ang puti nila.” Ang no take policy ni Gatdula ay tiyak susuportahan ng rank-and-file ng NBI dahil babalik na naman ang propesyunalismo sa hanay nila.
Ang no take policy ni Gatdula sa illegal gambling ay tiyak bad news sa iilang NBI officials, lalo sa mga kolektor nila ng lingguhang intelihensiya. Namantikaan na kasi ang mga bunganga nina Sir’s kaya hindi nila basta malilinis ang mantika sa bibig nila. Subalit sa tingin ko naman, iilan lang ang tiwaling NBI officials na dapat ‘wag pakinggan ni Gatdula. Dapat ipagbawal din ni Gatdula ang pagpasok sa beerhouses ng NBI agents para hindi masangkot sa kaguluhan.
Sa tingin ko diretso ang landas ni Gatdula, alinsunod sa pangako ni President Aquino na walang “tong.” Hindi lang NBI ang aani ng pogi points dito kundi maging si P-Noy. Pinatunayan lang ni Gatdula na hindi pitsa-pitsa ang nasa isipan niya kundi ang pagsilbihan ang mamamayan. Kung sabagay, mahigit 35 years sa serbisyo sa PNP si Gatdula, na isang abogado, at hindi na siya mabobola. Marami kasi ang lumapit kay Gatdula na ipasa kay Perry Mariano ang tong collection ng NBI para lubog ang pangalan niya, subalit ang no take policy ang kasagutan niya.
Subalit kung si Gatdula ay umani ng pogi points sa no take policy niya, bakit hindi ito magawa ng iba pang opisyales ni P-Noy tulad ni DILG Sec. Jesse Robredo? May mga umiikot pa rin sa gambling lords sa buong bansa para ikolekta ang DILG ng lingguhang tong. Tanungin mo Sec. Robredo sina Rey Cachuela, Ely Fontanilla, Spike Tuazon at Jerry Salustiano, at tiyak may alam sila. May mga pulis din tulad nina Noel de Castro, Ver Navarro, Mike Pornillos, Efren Custodio, at Popoy Gaddi na nangri-raid ng pasugalan sa Metro Manila gamit ang Napolcom, na si Robredo rin ang chairman. ‘Yan ay kasama sa bad news. Magsaysay awardee pa naman si Robredo subalit sa tong collection eh bagsak siya.
Abangan!