Riding in tandem, gumagala sa Caloocan!
MAY ilang beses nang nakakatanggap ang BITAG ng mga reklamo hinggil sa paggala ng umano’y dalawang kalalakihang naka-motor o riding in tandem.
Iisa ang description na ipinaabot sa BITAG ng mga nagrereklamo, naka-helmet ng full face ang mga ito. Nakasuot din ng jacket ang dalawang lalaking magka-angkas sa motor.
Ayon sa mga reklamo, kung ikaw ay mag-isang bumibiyahe sa iyong motor, hindi mo mamamalayang nakasunod na pala ang dalawang lalaking magka-angkas sa motor.
Ang estilo, sisigawan ka ng naka-angkas sa likod na “pare, tumutulo ang gasolina mo!”. Ang siste, mapapahinto ang biktima sa pagmamaneho ng kaniyang motor.
Sa oras na huminto ka, at lumingon ka sa itinuturo ng dalawang suspek, pagkakataon na ito upang ikaw ay kanilang maharang.
Dagdag ng mga biktima, nagulat na lamang sila ng nasa harapan na nila ang lalaking naka-angkas sa motor at nakatutok na ang baril nito sa kanilang mukha.
Binabanggit pa daw ng suspek ang mga katagang “akin na lang ‘tong motor mo!”, sabay agaw at tangay sa iyong motor.
Ang nakapagtataka rito, broad day light ang pam- bibiktima ng dalawang lalaking riding in tandem. Sa pagitan ng alas-5:30 hanggang alas-7 ng umaga ito tumitira.
Sa kahabaan umano ng 5th hanggang 10th Avenue ang mga ito gumagala. May impormasyong nakarating sa aming tanggapan na may kinalaman ang ilang pulis-Caloocan sa modus na ito.
Hindi namin sinasabi na kami’y naniniwala, hindi rin namin sinasabing wala itong katotohanan.
Pasok na ito sa aming listahan ng mga mamanmanan. Kung sino man ang may nalalaman hinggil sa modus na ito na nagaganap ngayon sa Caloocan, makipag-ugnayan agad sa BITAG.
Itatago namin ang inyong pagkakakilanlan dahil sa sensitibong impormasyon na inyong ibibigay. Maging ang mga iba pang naging biktima, lumapit agad sa BITAG.
- Latest
- Trending