Editoryal - Usigin ang DPWH sa Camanava flood project
MANILA, Philippines - NAPAPANSIN n’yo ba kung bakit mabagal ang pag-usad ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava)? Napapansin n’yo ba kung bakit kakaunti ang mga proyektong dapat ay isagawa para makalikha ng trabaho sa mga mamamayan ng mga nabanggit na lugar? Iyan ay dahil sa pagbaha. Sinong investors ang magtatayo ng condominium, shopping mall, establishments sa lugar na laging binabaha? Sa Malabon na lamang, kahit summer ay nagbabaha roon. Dusa sila lalo na kapag high tide at ngayong panahon ng bagyo at pag-ulan, lalo nang doble ang kanilang paghihirap.
Ang baha ay matagal ng kapiling ng mga taga-Camanava at tila hindi na masosulusyunan kahit may flood control project na isinasagawa roon.
Pitong taon nang naghihintay ang mga taga-Camanava na matapos ang flood control project na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon. Ang project ay pinamamahalaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Umano’y sinabi ng DPWH na matatapos ang project noong 2007. Maraming residente ang natuwa sapagkat matatapos na ang kanilang kalbaryo. Subalit lumipas ang 2007 ay walang flood control project na natapos.
Hanggang sa muling sinabi ng DPWH na matatapos ang project sa 2008. Pero ang pangako ay nanatiling nakapako. Hanggang sa isang pangako na naman ang lumutang na Marso 2010 daw matatapos ang proyekto. Ngayon ay Hulyo na o apat na buwan na ang nakararaan mula nang sinabing matatapos. Wala pa rin. Inabutan na ng bagyong “Basyang” at maaaring abutin pa nang mga susunod pang bagyo.
Nagpaplano nang kasuhan ng mga opisyales ng apat na siyudad ang mga opisyales ng DPWH dahil sa hindi matapus-tapos na proyekto. Ang DPWH ay isa sa mga tanggapan ng pamahalaan na talamak ang katiwalian. Hindi kaya ang pondo ng Camanava flood control ay napasakamay ng mga “buwaya”? Sabi ni President Noynoy noong Hunyo 30 na manumpa sa tungkulin: “Sa tulong ng wastong pamamahala sa mga darating na taon, maiibsan din ang marami nating problema. Ang tadhana ng Pilipino ay babalik sa tamang kalagayan, na sa bawat taon pabawas ng pabawas ang problema ng Pinoy na nagsusumikap at may kasiguruhan sila na magiging tuloy-tuloy na ang pagbuti ng kanilang sitwasyon.”
Nangangailangan nang imbestigahan ang pro-yektong matagal nang hinihintay ng mga taga-Camanava. Usigin ang DPWH sa kanilang ginagawang pagpapahirap sa mga taga-Camanava.
- Latest
- Trending