Wanted sila!
NAGPALABAS ng warrant of arrest si Valenzuela City Judge Emma Matammu para arestuhin sina Lionel Ambrocio at Jake Magpayo sa kasong large scale illegal recruitment.
Hindi biro ang mga niloko nina Magpayo at Ambrocio na mga people na gustong mag-abroad at grabe as in grabe ang nakolekta nilang salapi sa mga na denggoy nila.
Kahit si Lord kapag nahuli ang dalawang nabanggit tiyak ‘no bail’ sila.
Sa mga pulisya sana huwag kayong tutulug-tulog sa warrant na ipinalabas sa dalawang kamote.
Abangan.
MIAA gm Honrado at Ka Junior
SCENARIO - September 5, 1989, umaga, sa NAIA Terminal 1 Customs arrival area, ang mga present na reporters noon ay sina Louie Perez, ng Bulletin, Maning Silva, ng BIS news, Butch Quejada, ng PSN, Louie Logarta dating Inquirer, Jerry Baldo, dating Malaya, Loy Caliwan dating balita et al.
Sa Customs people sina Lt. Lelet Poniente, Botor, Celso Templo, Tony Bautista at iba pa.
Sa parte ng PSG, si dating Col. Jose Angel ‘Bodet’ Aquino Honrado et al.
Sa MIAA side naman ay si NAIA general manager Carrascoso bumaba mula sa office niya sa 4th floor ng magkahulihan na.
The story - noong Sept. 5, 1989, early morning binulungan kami ng Lt. Poniente na may darating na Congressman mula US of A na may mga bitbit na boga.
Sabi nga, walang permit to import!
Kaya ang mga media people sa itaas ay nag-usap - usap kung sino ang Congressman na darating sa paliparan dahil hindi pa ibinibigay sa amin ang buong details.
Sabi nga, magmatyag muna!
Dumating ang eroplano ng PAL from US of A, matapos magpa-clear sa Immigration ang mga passenger ay nagtungo na sila sa conveyor area para kunin ang kanilang mga bagahe at nakita namin si Nueva Ecija 4th district Rep. Nicanor ‘Junior’ de Guzman, na papunta sa conveyor din para hintayin at kunin ang kanyang bagahe.
Nakilala ni Botor si Ka Junior kaya isa siya sa bumuhat ng bagahe nito habang nagkalat naman ang mga Presidential Security Group sa nasabing place noong mga oras na iyon na pinaiikutan ang Congressman.
Itinuro at nakilala agad ni Logarta ang kanilang commanding officer na si Honrado na ngayon ay airport general manager na itinalaga ni P. Noy kamakailan dahil Atenista rin pala ito.
Nagkukuentuhan sina Ka Junior at Bodet sa conveyor habang isa-isang umaakyat ang mga bagahe ng mga pasahero.
Huling umakyat ang mga bagahe ni Congressman at isa sa mga karton na may pangalan Jr. de Guzman ang umakyat sa conveyor from the aircraft ang agad binuhat ni Botor para ilagay sa push cart pero sa kasamaan palad nabutas ito at nakita na lumusot ang isang boga.
Dahil dito, pinuntahan at kinausap ni Poniente si Congressman para ipa-eksamin ang kanyang mga dalang baril sa karton na nabutas at kung ilan pang baril ang dala nito at kung may mga papeles naman ay alaws problema para mabigyan siya ng courtesy being a Representatives of the House of the People of the Philippines my Philippines.
Sumenyas ng Ok si Lelet sa mga press na ang ibig sabihin ay positive ang mga boga kaya naman nagkagulo kami.
Sabi nga, kodakan blues!
Nag-akyatan ang walo pang karton ni Ka Junior sa conveyor ang lima dito ay may naka-sulat na JR de Guzman samantala ang apat ay nakapangalan sa isang Ponciano Datu.
Dahil hindi malaman ng mga reporter ang mga mangyayari pa pinabubuksan na lamang nila ang iba pang mga boxes ni Ka Junior at dahil sa kakulitan ng mga media people nagsalita si Honrado sa amin na lumabas kami ng arrival at umalis ng NAIA.
Sabi nga, sino siya noon?
Sa madaling salita si Jr. de Guzman was convicted of gun smuggling noon 1990 sa pagiingat ng may 314 assorted firearms.
Tanong-GM Honrado baka naman paalisin muna naman ang mga house reporter sa NAIA kapag may mga malalaking isdang nahuli?
Huwag naman sana nagta-trabaho lang kami para sa bayan!
Isa pa ano ang pinaguusapan ninyo ni de Guzman habang nasa conveyor kayong dalawa at hinihintay ang mga baril na dala nito?
Huwag mapipikon, nagtatanong lang Sir?
- Latest
- Trending