^

PSN Opinyon

'Sumalisi'

- Tony Calvento -

(Huling bahagi)

Kinalap ni Monique Cristobal

“Nakita kong nag-iinuman ang mga pulis. Yung isa nga ma­sama ang titig sa akin,” pagsasalarawan ni Reynalyn.

Nung Miyerkules naisulat ko ang storya ni Reynalyn Dapug na nakulong dahil sa nawawalang pitumpung libong piso sa Ogielyn Meatshop.

Ang tiyahin ni Reynalyn na si Maricel ay nagmamadaling pumunta sa presinto para mabantayan ang pamangkin. Sandali pa lang siyang nasa presinto pilit na umano siyang pinapaalis ng mga pulis dahil tapos na raw ang oras ng dalaw. Nagpaalam si Maricel sa Hepe para maiwan. Pumayag naman ito.

Mula noong Biyernes ng gabi hangang Lunes ng umaga siya umano kinulong. Lumapit sa amin ang kanyang tiyong si Joel Balading. Nung araw ding yun tinawagan namin si Sr. Supt Ronald Estiles para hingan ng tulong.

Nagkaroon din kami ng pagkakataon na makausap si Sr. Supt. Alfredo Valdez, Chief ng Parañaque Philippine National Police (PNP).

Bilang tulong kay Reynalyn at sa kanyang mga karapatan sinabi namin na ang pagkawala ng pera ay nangyari nung Huwebes ng umaga at si Reynalyn ay dinala sa istasyon ng Biyernes ng umaga. Lunes ng hapon hindi pa rin siya kinakasuhan dapat nilang pawalan ito kung hindi maari silang buweltahan ng ‘Arbritrary Detention’.

Hindi inabot ng maghapon, matapos naming makausap ang Parañaque Police, pinawalan si Reynalyn subalit pinapirma na siya’y babalik kinabukasan. Hindi na nila ginawa ito sa halip nagpunta sila sa aming tanggapan. Kinausap namin siya. 

Walang pagbabago sa ikinwento sa amin ni Reynalyn na inilahad namin nung Miyerkules. Nasalisihan siya at nakuha ang pera ng dalawang lalaking nanggugulo sa meat shop, yun ang aming naisip.

Inere namin ang istorya ni Reynalyn sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat”. Bilang agarang tulong, nakipag-ugnayan kami sa isang abugado mula sa UE Law Alumni Association na si Atty. Ernesto Gatdula.

Kinabukasan, nagpunta sila sa tanggapan ni Atty Gatdula. Kinunan sila ng pahayag at gagawin na ni Atty. Gatdula ang kanyang ‘complaint affidavit’.

Bumalik sila sa amin. Maaliwalas ang lahat. May ngiti na sa mukha si Reynalyn.

Para makakuha ng mas malakas na ebidensyang magpapatunay na walang siyang kasalanan. Hinamon namin siya na sumailalim sa isang polygraph test / lie detector test.

Pinaliwanag namin na hindi ‘admissible’ ang lie detector test sa Korte pero makakatulong kung saan tatakbo ang imbestigasyon.

Hindi rin kami nagkulang na ipaliwanag sa kanyang pwedeng hindi na rin siya sumailalim sa isang lie detector test. Natulungan na namin siyang makalabas ng presinto at may abugado na ring assign sa kanya.

Mapilit si Reynalyn taas-noo niyang gustong patunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng pera. Tinuloy niya ang Lie Detector Test.

Kinausap namin si Supt. Nelissa Geronimo ng Philippine National Police, Crime Laboratory Polygraph Division upang isagawa ang polygraph. Tumulong kami sa paggawa ng mga tanong kaugnay sa insidente.

Ika-2 ng Hulyo 2010, kasama ang aming staffs na sina Den Viana at Hannah Guarin pumunta sila Reynalyn, ina at kanyang tiyahin sa Camp Crame para sumailalim sa lie detector test.

Ganap na 9:00 ng umaga ng pumasok na si Reynalyn sa silid kung saan gagawin ang test. Ito’y pamamahalaan ni Supt. Geronimo. Tumagal ng ito ng isang oras. Bago dumating ang tanghali, pinarating sa amin ni Supt. Geronimo ang resulta. “Subject is not telling the truth”.

Sa mga tanong na ito lumabas na nagsisinungaling si Reynalyn. “Nawala ba ang pera sa kaha?”.  “Kilala mo ba kung sino ang kumuha ng pera?” at “Kasabwat ka ba sa pagkawala ng pera?”.

Nang malaman namin ito, hinarap namin si Reynalyn kasama ang ina at ang tiyahin. Sinabi namin ang resulta. Namutla at kinabahan si Reynalyn. Natahimik ang tiyahin, ang ina naman nagsimulang magmaktol at pinapagalitan ang anak. Nakiusap ito na magsabi ng totoo.

Umiiyak na inamin ni Reynalyn kung ano ang totoong nangyari ng umagang iyon. “Inabot ko sa lalaking kostumer yung pera!”.

Tinanong namin kung sino ang lalaki subalit ayon kay Reynalyn hindi niya ito kilala. Biktima raw siya ng Hipnotismo.

Katahimikan ang bumalot sa aming tanggapan. Pinagmasdan namin si Reynalyn. Naupos ang kanyang kredibilidad. Hipnotismo? Isang malaking katarantaduhan. Diretso naming sinabi sa kanya na mabigat ang parusang ‘qualified theft’. Nakiusap ang ina kung maari kaming mamagitan upang matulungan si Reynalyn sa kasong kakaharapin.

Tinawagan namin si Sr. Supt Valdez at ipinagtapat ang mga bagong pangyayari. Ipinaabot namin sa kanya na handa naman si Reynalyn na hulog-hulugan ang pera. Tinawagan din namin ang amo ni Reynalyn na si Merlita Alvarez upang ipaalam ang ginawang pag-amin ng kanyang kahera. Naging maganda naman ang paki­kipag-usap namin kay Mrs. Alvarez dahil ang tanging gusto lamang niya ay maibalik ang pera para mapaikot ang puhunan. Sila Reynalyn naman ay nagbalik sa Parañaque Police upang dun na sila mag-usap ng kanyang amo at pumirma ng kung anumang kasunduan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, natulungan namin si Reynalyn ng siya’y pinalabas matapos makulong ng ilang araw. Binigyan rin namin siya ng abugado tugon sa kanyang kagustuhan na matamo niya ang hustisya sa mga sinapit niya subalit ng malaman namin na hindi malinis ang kanyang mga kamay hinggil sa pagkawala ng pera hindi naman kami papayag na maging kasangkapan para mabuweltahan ang mga taong naging biktima ng kanyang pagkasilaw sa kwarta.

Kapag nagsasabi kayo ng totoo at walang lihim na tinatago kasama n’yo kami hanggang dulo. Kung pati kami naman ay gagaguhin ninyo hahayaan namin kayong makalaboso. Minsan ko ng nasabi sa aking mga staffs na magaling itong si Reynalyn pinabilib niya ang lahat ng tao na biktima siya ng ‘Salisi Gang’ ang totoo pala…siya, ang SUMALISI.

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maaari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

Email: [email protected]

KANYANG

NAMIN

PARA

PERA

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

REYNALYN

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with