Ayuda sa OFWs na nasa death row
NAPAKARAMING problema ng OFWs ang kailangang matugunan agad ng pamahalaan. Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senator Jinggoy Ejercito Estrada.
Heto at mayroon na namang napaulat na tatlong OFWs na nahatulan ng parusang bitay sa Saudi Arabia. Ang tatlo – sina Paul Miquiabas, Victorino Gaspar Jr. at Edgardo Genetiano – ay hinatulan ng parusang kamatayan dahil sa pagpaslang umano nila sa kasamahan nilang manggagawa. Sila ay naging kabilang na ngayon sa mga OFW na nahaharap sa death penalty dahil sa iba’t ibang kaso.
Noon pa man, isinulong na ni Jinggoy ang komprehensibong pangangalap ng datos at pagtutok ng pamahalaan sa mga kaso ng OFWs na nakakulong sa abroad lalo na ang mga nasa death row. Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) noon sa Senado, mayroong tatlong libong OFWs ang nakapiit.
Ang usaping ito ang kailangang maasikaso nang husto ng pamahalaan. Napakaraming OFW na nakakulong sa abroad at malaking bilang din sa kanila ang nahaharap sa parusang kamatayan. Ang mas malaking problema nila ay kapag hindi sila naaasikaso nang sapat at natutulungan ng mga kinauukulang government official.
Ito ang malaking hamon ngayon partikular sa Department of Labor and Employment (DoLE) at Department of Foreign Affairs (DFA). Dapat maipadama sa mga OFW ang pag-alalay ng pamahalaan bilang pagpapahalaga nito sa tinaguriang mga bagong bayani ng bansa.
Para sa long term na programa kaugnay nito ay kailangang isulong ng pamahalaan ang noon pa iginigiit ni Jinggoy na pagtitiyak ng komprehensibong mga kasunduan sa mga OFW host country hinggil sa kanilang pagtatrabaho, karapatan at sistema ng pagtulong sa kanila kapag sila ay nagkakaproblema.
- Latest
- Trending