Charter change sinalaula ni GMA

MAGING presidentialist o parliamentarist, kapwa nais ng Constitutional revisions. Nais ng una patatagin ang presidential form sa pamamagitan ng tatlong probisyon: (1) ibalik ang two-party system; (2) kapag mahigit dalawa ang kandidato pagka-Pangulo at walang nakakuha ng mayorya ng boto, otomatiko maghaharap ang dalawang nangunguna sa runoff election sa susunod na linggo; (3) ang boto sa pagka-Presidente ay boto rin para sa running mate, o vise versa.

Pakay naman ng parliamentarists pag-isahin ang ehekutibo at lehislatura. Mas episyente umano ang parliamentary, kaya ginagamit sa tatlo sa bawat apat na bansa. Ihahalal ang mga MP (member of parliament) mula sa distrito, at hihirang ang mayorya ng Prime Minister at hepe ng mga departamento. Kapag sumablay ang mayorya, maaring palitan agad ang parliament sa pamamagitan ng bagong halalan.

At presidentialist o parliamentarist man, maraming nagsasabing dapat alisin na ang mga restriksiyon sa ekonomiya. Halimbawa, ang paglimita sa mga dayuhan sa 40% sa mga minahan at utilities (miski wala namang pera ang mga negosyanteng Pilipino para punuan ang 60%). Isa pa ang pagbawal sa dayuhan na umari ng lupa, gay’ung hindi naman nila ito matatangay sakaling lisanin ang bansa. At marami rin sa magkabilang panig ang nais ng federal system — auto­nomous ang mga rehiyon.

Heto ang problema. Naki­pag-unahan sina Reps. Gloria Maca­pa­gal Arroyo at anak na Dato Arroyo magpanukala ng constitutional convention para sa Charter Change. Dahil muhi ang mga re­por­mista sa kontrobersiyal na ang­kan, tinaba­ ngan tuloy sila sa Cha-Cha. Parang ayaw na lang nila. Kasi baka makapagsingit ang mga Arroyo ng probis­yong papabor lang sa sariling interes. Halim­bawa, ang ma­ka­iwas sila sa kasong plunder atbp.

Merong maikling sipi sa God’s Little Devotional Book na nagsa­sabing, “Nakasala­lay ang kasiya­han ng bawat bansa sa karakter ng mama­mayan, hindi sa anyo ng pa­ma­halaan.” Siguro sa karakter na lang tayo magbago.

Show comments