Patuloy na lumalakas ang pagpuna ng iba’t ibang sektor sa inihayag na desisyon ni President Noynoy Aquino sa paghirang kay dating Chief Justice Hilario Davide Jr. bilang pinuno ng Truth Commission na mag-iimbestiga sa mga anomalya’t iskandalo sa administrasyong Arroyo.
Kami ni Presidente Erap at ang aming panganay na anak na si Senator Jinggoy Ejercito Estrada ay kaisa sa naturang mga pagpuna dahil si Davide ay notoryus sa pagbalewala at direktang paglabag sa batas at sa kanyang pagiging masyadong malapit na kaalyado ni GMA.
Kung matatandaan, direktang sinang-ayunan at sinuportahan ni Davide ang pagmanipula sa impeachment trial noon laban kay President Erap na nagtuloy sa tinaguriang EDSA Dos power grab alinsunod sa plano ng mga nagsabwatan laban sa Estrada administration.
Si Davide pa mismo ang nagpanumpa noon kay Ginang Arroyo bilang bagong presidente ng bansa kahit malinaw na labag sa konstitusyon ang naturang aksyon dahil ang basehan lang ng biglaang pagpapanumpa ng bagong presidente ay kung namatay, nagkaroon ng permanent incapacity, nag-resign o kaya ay nagkaroon ng ligal na pagtanggal sa lehitimong halal na presidente.
At bilang gantimpala umano kay Davide ay ini-appoint naman siya ni Ginang Arroyo bilang ambassador ng Pilipinas sa United Nations kahit hindi ito inaprubahan ng Commission on Appointments.
Naging sentro rin ng impeachment complaint mismo si Davide dahil sa paglustay niya umano ng pondo ng sangay ng hudikatura sa bonggang Baguio City vacation houses, luxury cars at mga pang-milyonaryong upuan at iba pang kagamitan ng mga mahistrado ng Korte Suprema, gayung ang pondong ginamit sa mga kagarbuhang ito ay isinasaad ng batas na para sana sa benepisyo ng mga ordinaryong emple-yado ng Supreme Court.
Ako, si Presidente Erap at Jinggoy ay tumututol sa pamumuno ni Davide sa nasabing komisyon.
Naniniwala kaming sinsero ang intensiyon ni Aquino na magtukoy ng akmang pinuno ng Truth Commission pero naniniwala rin kami na hindi si Davide ang nararapat sa puwesto.