Marami sa atin ang hindi pa nakakita ng tutoong “pork barrel”, ang tanyag na paglarawan sa pondong nakukuha ng mga mambabatas para sa kanilang mga personal na proyekto. Noong mga panahong hindi pa naimbento ang refrigeration, ang ginagawa upang hindi agad mabulok ang kakanin tulad ng baboy ay inaasinan at nilalagay sa loob ng bariles. Ang paglarawang pork barrel ay nagmula sa nakagawian sa Amerika noong unang panahon na ang mga alipin o slaves ay binibigyan ng pork barrels bilang pabuya. Dahil din sa taba o mantikang pampadulas na hango sa baboy, lalong naging bagay ang ngalan nito dahil “mataba” at may pampadulas din ang mga ganitong proyekto para sa mga nagpapanukala.
Matagal nang sinusuka ang ganitong sistema hindi lang dahil sa katiwaliang dala nito. Maliban sa hindi makatwirang panlalamang na nabibigay sa nakapuwestong mambabatas, marami rin itong nilalabag na reglamento ng batas: Una, ang bawat isang proyekto ay request lamang ng iisang Kamara imbes na pinag-isipan ng dalawa; pangalawa, madalas ay inaareglo ang bidding ng mga ito para sa pinapaborang kontratista; pangatlo, lokal na interes lamang at hindi pangkalahatan ang nakikinabang; pang-apat, hindi ito dumadaan sa budget hearing tulad ng karaniwang mga batas.
Hindi matanggal tanggal ni President Aquino ang pork barrel. Sa halip ay sinusubukan niya itong limitahan nang mabawasan ang abuso. Tila mas mahirap pa yata ang ganitong solusyon. Dahil ang nangyayari ay nililipat mo lang ang diskresyon mula sa kamay ng mambabatas papunta sa kamay ng kung sino ang kasalukuyang Pangulo. Ok kung si P-Noy na alam nating malinis at matapat. Eh papaano kung iba na ang may hawak? Batas ang dapat mamayani, hindi personalidad.
Kung hindi rin lang naman ito tatanggalin, hindi ba mas mainam nang iwan ang diskresyon sa kamay ng
mambabatas upang makapamili ng kung ano ang tunay na kailangan ng kani-kanilang pinaglilingkuran? Paano naman masasabi na higit na alam ng Malakanyang kaysa mismong mga kinatawan ng tao kung ano ang pangangailangan ng mga botante ng huli?
Korek si Cong. Boyet Gonzales sa kanyang pag-tutol sa Aquino proposal.