Bayaning tunay
May mga kwentong-buhay na magpapataba talaga ng puso mo. Mga kwento na akala mo lang mapapanood mo sa sine, o mababasa mo sa libro. Ang Pilipinong biyuda ng isang pulis na unang rumesponde sa trahedya noong 9/11 sa New York ay natuwa dahil pumayag na makipag-areglo ang gobyerno ng Amerika sa hininging bayad-pinsala ng mga pamilya ng mga nagkasakit at namatay na mga unang rumespondeng pulis sa World Trade Center noong 9/11. Inilapit sa media ni Eva Borja ang nangyari sa kanyang asawang pulis. Nagkaroon kasi ng kumplikasyon sa baga ang kanyang asawa, dulot ng paghinga ng mga masasamang alikabok at gas sa pinagbagsakan ng mga gusali sa New York noong 9/11. Namatay ang kanyang asawa na si Cesar Borja dahil dito. Sila ang nagbukas ng daan para makahingi ng bayad-pinsala ang iba pang mga na-expose sa masamang alikabok at gas. May mga nagkasakit ng malubha, may mga namatay. Mga sampung libong rumesponde ang naapekto sa 9/11.
Kung matuloy ang areglo, mga $800,000 hanggang $1.5 milyong dolyar ang matatanggap ng mga nagkasakit, at $1.5 milyong dolyar naman para sa mga namatayan. Lahat-lahat, baka umabot ng $712 milyong dolyar ang pangkalahatang areglo. Malaking pera iyan kahit papano mo tingnan. Kaya naman natuwa si Eva at nakatulong siya. Pero hindi pa tapos ang kwento.
Hindi humingi ng bayad-pinsala si Eva Borja. At wala siyang plano na humingi, kahit kailan. Para sa kanya, natutuwa na siya at makakatanggap ang maraming pamilyang tumulong noong 9/11. Ang pahayag pa, sapat na ang kanilang pera na galing sa pensyon ng kanyang asawa para sa kanilang pangangailangan. May tatlo siyang anak. Ilang beses mo maririnig ang ganyang pananalita sa buhay mo? Na sapat na ang kanilang kinikita para sa kanila? Kelan mo maririnig dito sa Pilipinas ang ganyang klaseng pahayag, lalo na sa mga nasa gobyerno at pulitika?
Natatandaan ko tuloy ang sineng Forest Gump, kung saan ang sabi ng ina ni Forest ay ang bawat tao kailangan lang ng sapat na pera para sa kanyang pangangailangan. Anuman ang sosobra doon ay gagamitin para magyabang lang sa ibang tao. Ganito rin siguro ang paniniwala ni Eva Borja. Bihira na tayo makakita ng ganyang tao. Bihira na tayo makakita ng tunay na bayani, na binibigay ang lahat para lang makatulong ng tao, at walang hinihinging kapalit.
- Latest
- Trending