Sayang na testigo
ISA sa mga umaming gunman sa Maguindanao massacre ang pinatay, bago siya nakapag-apply bilang testigo ng gobyerno laban sa mga Ampatuan. Ayon kay Harry Roque na abogado ng labing-apat na mamamahayag na pinatay sa nasabing massacre, iyong testigo na pinatay ay pinakamagandang laban sana sa mga Ampatuan dahil kasama siya sa mga bumaril sa mga biktima. Ang tingin rin ni Roque, kaya desididong pinatumba na yung testigo, ay dahil papasok na sa DOJ si Leila de Lima na kasalukuyang Chairman ng CHR. Sa madaling salita, malaki ang tiwala kay de Lima na lilinisin at patatakbuhin ng maayos ang DOJ. Uusad ang mga kaso para mabigyan ng hustisya kaagad ang mga biktima ng krimen. Ito na rin malamang ang dahilan ni Suwaid Upham na magtungo na ng Manila, dahil sa papasok na bagong kalihim ng DOJ, na nakilala na rin niya. Noong una siyang nag-presenta para maging testigo ng gobyerno, parang hindi siya binigyan ng panahon ng DOJ. Natatandaan ninyo ang naging desisyon ni Acting Sec. ng DOJ na si Alberto Agra na palayain na sina Zaldy at Akmad Ampatuan? Ito kaya ang dahilan kung bakit ayaw kunin noon ng DOJ si Upham?
Ang pagpatay kay Suwaid Upham ay patunay lamang sa sala ng mga Ampatuan sa nasabing massacre. Bakit pa kailangang patayin kung sila’y walang sala, lalo na’t patungo na para maging testigo? Dahil dito, malamang wala nang lalapit sa gobyerno para maging testigo, dahil patunay na rin ito sa patuloy na kapangyarihan ng mga Ampatuan. Mahahaba at marami pa ang galamay ng angkan na ito sa Maguindanao. Ilang buwan na ang dumaan magmula nung massacre, halos wala pang nagaganap sa kaso laban sa mga Ampatuan.
Magbago na nga sana ang lahat na ito sa pamumuno ni Leila de Lima sa DOJ. Malaki ang inaasahan sa kanya, kaya dapat lang na butihin niya ang kanyang trabaho. Mga tulog na kaso ay buhayin. Mga ma liwanag na may sala ay huwag pakawalan, kasuhan at parusahan. Mga tauhan ng DOJ na may mga kasong inuupuan, sisantehin at wala na siguro tayong maririnig na bobong pananalita gaya ng “magreklamo na lang kay Jesus Christ” kung ayaw ang kanilang desisyon. Salamat at wala nang antipatiko sa DOJ!
- Latest
- Trending