Liwanag sa kadiliman
ANG hayagang intensyon ng REPORT CARD ay ang pagpuna sa aksyon ng nanunungkulan sa mga sensitibong dinidisisyunan. Tumutulong sa paglinaw at paghubog ng opinyon ng publiko sa mahalagang usaping panlipunan. Kapag may performance, kikilalanin. Kung palpak, ipapamukha.
Dumating ang panahon nitong administrasyon ni Gng. Arroyo nang tumigil ako sa pagbigay ng grade. Wala na kasing magandang masabi sa kanyang Gabinete at pamahalaan. Nakakasuya naman kapag puro negatibo ang isinusulat.
Kaya’t excited ako sa pagbabago ngayong June 30. Marami sa manunungkulan ay kilala bilang mga magigiting at matapat na lingkod bayan. Inaasahan na mag-iiba ang kultura: Imbes na perwisyo, serbisyo!
Si Brother Armin Luistro ng De La Salle University (DLSU) ay hihiranging Kalihim ng Edukasyon. Walang takot itong lumantad, kasama ang DLSU family noong 2005, sa kasagsagan ng iskandalong Hello Garci upang hilingin ang pagbitiw ni GMA. At nanguna rin ito sa pagbigay ng saklolo at santuwaryo kay Jun Lozada sa ZTE-NBN expose’. Masaya ang bansa kung ang magiging opisyal natin ay yung may track record nang nanindigan para sa atin at para sa katotohanan tulad ni Sec. Armin.
Dito rin sana lamang si Vice President Jejomar Binay. Gaya ng naisulat ko na noong panahon ng kadiliman, halos mag-isa niyang tangan ang sulo – kung yung com-mercial ni P-Noy ay sa TV lang, sa tunay na buhay ay ginawa na iyon ni B-Nay. Para bang sa Makati lang nagkaliwanag – ang bagong Plaza Miranda ng Bayan. Di ba nga mismong si Pres. Cory ang laging unang sumusugod kapag si B-Nay na ang pinapahirapan ni Gng. Arroyo?
Sana naman sa pagkakataon ngayon ay hindi na maulit ang 2001 nang halos ang buong Erap impeachment prosecution team sa pangunguna nina Raul Gonzales at Sergio Apostol at maski ang Spice Boys nina Mike Defensor ay napatunayang higit pang pahirap sa bayan kaysa mga taong pilit nilang pinasipa. At para hindi ito mangyari muli, importanteng huwag humupa ang ating paninindigan na kilalanin ang may performance at ipamukha ang kapalpakan. Ang REPORT CARD ay patuloy na magiging maagap sa paglinaw at paghubog ng opinyon ng publiko sa mahalagang usaping panlipunan.
- Latest
- Trending