Isang gabi sa buhay ni misis - at mister
NANONOOD ng TV ang mag-asawa nang humikab si misis, nag-inat at nagsabing matutulog na siya. Tumuloy siya sa kusina, gumawa ng sandwich na pambaon ng mga bata sa umaga, hinugasan ang pinagkainan ng popcorn, nilabas sa freezer ang karneng iluluto panghapunan bukas, pinuno ang lalagyan ng cereal at asukal, nagsukat ng kape at naglagay ng tubig sa coffeemaker, at naglatag ng kutsara, baso at bowl sa mesa. Tumuloy siya sa laundry, nilagay ang mga basang damit sa dryer, nagpasok ng isang batch ng labahin sa washing machine, nag plantsa ng pantalon ni mister, at sinulsihan ang butones na maluwag. Tiniyak na may katernong medyas at panyo ang pantalon.
Binalik ang telepono sa charger, niligpit ang directory, at gumawa ng listahan na igo-grocery. Nag-inat, humikab at nagbilang ng perang kailangan ni Junior sa school excursion, pinirmahan ang report card ni bunso, at sinulatan ang birthday card para sa matalik na kaibigan. Pasok sa kuwarto, naglinis ng mukha, naglagay ng moisturizer, nagsipilyo, at lumabas uli. Tanong ni mister na nanonod pa rin ng TV, “Akala ko ba matutulog ka na?”
Nilagyan ni misis ng tubig ang bowl ng aso, nilabas ang pusa, tiniyak na nakasindi ang ilaw sa balkon at nakakandado na ang gate, at pinuntahan ang mga anak sa kuwarto, nagpatay ng ilaw, hininaan ang radyo, dinampot ang maruming damit sa sahig at nilagay sa hamper , nagsabit ng jacket, kinausap ang isang anak na naglalamay ng homework, at saka pumasok sa master’s bedroom. Nag-set ng alarm, naglabas mula sa cabinet ng damit na isusuot kinabukasan, inayos ang shoe rack, naghugas ng kamay, nahiga at nagdasal.
Sa sala, tumayo ang mister, nag-inat, pumasok sa kuwarto, at nahiga. Hindi nagtagal, humihilik na siya. Gan’un lang.
* * *
Lumiham sa j[email protected]
- Latest
- Trending