^

PSN Opinyon

Mag-ingat sa mga kaskaserong drayber

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -

HINDI pa nahihimasmasan ang mga Caviteños sa trahedyang naganap noong madaling araw ng Martes, muli na naman silang binalot ng sindak nang sumabog ang mga tangke ng LPG mula sa bumanggang Izuzu Elf sa Governors Drive, Bgy. Bangkal, Carmona, Cavite kahapon ng madaling araw. Noong Martes kasi ng madaling araw bumangga ang isang Toyota Prado sa poste ng Meralco sa Bgy. Langkaan lulan ang mga estudyante ng De La Salle University of Cavite. Patay ang pito na nakilalang sina Dhan Rick Valerio, McHarold Sarmiento, Robin Joseph Regala, Ranilo Pena, Raymond Cantimbuhan at Raynard Villamor.

Napag-alaman na ang grupo ay galing sa gimikan sa Tagaytay City kung kaya malaki ang hinala ng kapulisan na lango sa alak ang drayber na si Adolfo Abcede nang maganap ang insidente. Sa kabila ng kagimbal-gimbal na pangyayari, nabuhay pa si Abcede at nakaratay sa hospital. Buhay ka pa! Ewan ko lang kung kaya ng kanyang konsensiya pag nalaman niyang patay na ang kanyang mga pasahero at saan hahantong ang kanyang kapalaran kapag siya’y gumaling. Marahil mabubulok na siya sa kulungan habang inuusig ng kanyang budhi.

Ganyan ang kasasapitan ng mga matitigas ang ulo kung patuloy na lumabag at sumuway sa paalaala ng batas. Kaya kayo mga suki kong driber, iwasang magyabang at magmaneho ng inyong sasakyan oras na masayaran ng alak ang inyong sikmura dahil sa kapahamakan ang inyong patutunguhan. Subalit likas yata sa ating mga Pinoy na matitigas ang ulo dahil kulang pa sa pangil ang ating batas na pinaiiral. 

Katulad na lamang sa nangyaring pagka-sunog ng siyam na inosenteng mamamayan sa naganap na trahedya sa may Bgy. Bangkal kahapon ng madaling-araw. Nang dahil sa barumbadong pagmamaneho natusta ang 9 katao matapos na sabay-sabay na sumambulat ang may tinatayang 400 LPG tank ng bumangga ang isang Izuzu Elf na may plakang VRA-361 sa King James Canteen matapos na araruhin ang poste ng koryente. Halos hindi na makilala ang mga biktima matapos na matusta ang mga ito sa matinding pagkasunog.

Tumakas ang driber na nakilalang si Merco Lacheca ng San Jose, Occidental Mindoro at pahinanteng si Joel Lucaban matapos ang kahindik-hindik na pangyayari at makaiwas sa pananagutan. Ngunit hanggang saan kaya sila magtatago dahil mula sa araw na ito tiyak na isang damukal na pulis at kaanak ng mga biktima ang naghahanap sa kanila habang naka-detine ang dalawa pang pahinate na sina Jhon Er Esmilla at Jonjon Espartero sa Carmona Traffic Sector. Tiyak na ingunguso nila ang mga ito upang mapanagot sa trahedya. Di ba mga suki! Ayon kasi kay Jhon puno umano ang kanilang trak ng LPG tank mula sa Rosario Cavite na dadalhin sa Biñan Laguna  nang sumapit sa Bgy. Bangkal ay biglang tumulin ang pagpapatakbo ni Lacheca na pinilit pa nitong umoberteyk sa isang trailer truck ng bigla na lamang bumulusok ang kanilang trak at sinalpok ang dalawang poste at bumangga sa tindahan, kumalat ang mga tangke ng LPG kasabay ng pagbagsak ng kuryente at biglang umapoy. Agad silang nagtakbuhan papalayo sa nagliliyab na tindahan dahil nagliparan na ang mga pumuputok na tangke ng LPG.

Mistulang bula na nawala ang driber na si Lacheca. Ganyan ka iresponsable itong si Lacheca na dapat patawan ng pinaka-mabigat na kaparusahan. Kaya paalala mga suki kong drayber laging tandaan na mag-ingat sa pagmamaneho ng sakuna ay maiwasan.

vuukle comment

ADOLFO ABCEDE

BANGKAL

BGY

CARMONA TRAFFIC SECTOR

CAVITE

DE LA SALLE UNIVERSITY OF CAVITE

DHAN RICK VALERIO

IZUZU ELF

LACHECA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with