Reciprocal concessions
ITO ay isang kaso kung saan ang dalawang partido ay nagkasundong mag-ayos na lang matapos magkaroon na ng desisyon ang korte. Ang tanong dito ay kung ang kasunduan ng dalawang partido ay balido dahil naiba ito sa desisyon ng korte.
Ang kaso ay tungkol sa isang palaisdaan (Lot 1483) na siyang sanhi ng reklamo para palayasin at pabayarin ng bayad-pinsala si Fredo ni Enteng. Isinampa ni Enteng ang kaso sa Municipal Trial Court (MTCC) laban kay Fredo. Ayon kay Enteng, bigla na lang ginamit ni Fredo ang palaisdaan nang walang pahintulot ni Enteng at nagtambak ng lupa dito nang walang Environmental Clearance Certificate. Sabi rin niya na namatay ang kanyang mga bangus at alimango dahil sa pagtambak ni Fredo ng lupa. Napilitan siyang magsampa ng kaso dahil patuloy parin itong ginagawa ni Fredo. Sa reklamo ni Enteng ay hiningi niya na pigilan si Fredo sa pagtambak ng lupa sa palaisdaan, na palayasin si Fredo dito, at bayaran siya ni Fredo ng moral damages at attorney’s fee.
Idinismis ng MTCC ang kaso matapos magfile ng mosyon si Fredo dahil hindi ito sumunod sa Local Government Code kung saan nasasabi na dapat dalhin muna ang kaso sa barangay conciliation. Nang umapela sa RTC si Enteng ay binaliktad at isinantabi nito ang dismissal at nagdesisyon na pabor kay Enteng. Inutusan nito si Fredo at ang kanyang mga tagapamana na lumikas mula sa Lot 1483 at ibalik ang lote kay Enteng, bayaran si Enteng ng actual at moral damages at attorney’s fees. Ito’y kinumpirma ng Court of Appeals (CA) maliban sa paggawad ng moral at aktwal na danyos at attorney’s fees.
Hindi nakontento si Fredo kaya nagpetisyon siya ng certiorari sa Supreme Court (SC) at hiniling ang annulment ng desisyon ng CA at ang reinstatement ng order of dismissal ng MTCC. Habang hinihintay ang resolusyon ng kaso ay inirepresenta sina Fredo at Enteng ng kanilang mga tagapamana sa isang kasunduang kompromiso kung saan kinilala ng mga tagapamana ni Enteng na si Fredo at ang kanyang mga tagapamana ang may-ari ng lupa at napagkasunduan nila na sa halagang Php200,000.00 ay ipapawalang-bisa nila ang desisyon ng RTC at CA na pabor kay Enteng at ipapaubaya nila ang kanilang mga karapatan, interes, at pagmamay-ari sa lupa, at ang mapayapang pagmamay-ari ng lupa. Balido ba itong Kasunduang Kompromiso?
BALIDO. Ayon sa Art.2028 ng Civil Code, ang Kasunduang Kompromiso ay isang kontrata kung saan ang dalawang kampo sa pamamagitan ng pagbibigayan ng konsesyon ay hindi na dadaan pa sa litigasyon o tatapusin ang kasong nakasampa na. Ang kompromiso ay isang anyo ng amicable settlement na naaayon sa batas at kinukunsinti sa mga kasong sibil.
Ang mga partido sa kaso ay maaaring magkasundo sa anumang kondisyon at estipulasyon na sa tingin nila ay sapat sa kagustuhan nila at naaayon sa batas, moralidad, good customs, at pampublikong kaligtasan o kaayusan.
Sa kasong ito, ang kasunduang kompromiso ay balido at kusang-loob na isinakatuparan ng dalawang kampo. Ito ay naaayon sa batas, moralidad, good customs at pampublikong kaayusan o polisiya at dapat ipatupad (Heirs of Zabala vs. Court of Appeals and Heirs of Manuel, G.R. 189602, May 6, 2010).
- Latest
- Trending